Ebanghelyo: Lucas 6:1-5
Isang Araw ng Pahinga, naglalakad si Jesus sa bukirin ng trigo. Nangyari na hinimay ng kanyang mga alagad ang mga butil sa pagkiskis sa kanilang mga kamay, at kinain ang mga ito. Sinabi ng ilang Pariseo: “Bakit ninyo ginagawa ang ipinagbabawal sa Araw ng Pahinga?” Ngunit nagsalita si Jesus at sinabi niya sa kanila: “Hindi ba ninyo nabasa ang ginawa ni David nang magutom siya at ang kanyang mga kasama? Pumasok siya sa Bahay ng Diyos, kinuha ang tinapay na inihain para sa Diyos, kinain ito at binigyan pa ang kanyang mga kasamahan, gayong bawal itong kainin ninuman liban sa mga pari.” At sinabi pa niya sa kanila: “Panginoon ng Araw ng Pahinga ang Anak ng Tao.”
Pagninilay
“Ang Sakramento ng Pakikipagkasundo.” “Ngunit pinagkasundo kayo
ngayon sa katawang-laman ni Kristo sa pagkamatay niya, upang maiharap kayo sa kanya bilang mga banal, walang dungis at walang kapintasan.” Sa Lumang Tipan, ang dugo ng kordero o kambing ay ginagamit upang hugasan ang kasalanan ng mga Judio. Sa Bagong Tipan, hindi na dugo ng
hayop kundi ang mahal na dugo at katawan ni Jesus na inialay sa Kalbaryo ang naging susi para ating pakikipagkasundo sa Diyos. Ito ay higit na mabisa at kalugodlugod sa Diyos Ama. Mapalad tayo sa ating Simbahang Katolika sa pagbibigay sa atin ni Jesus ng Sakramento ng Pakikipagkasundo kung saan dahil sa merito ng kanyang paghihirap, kamatayan at muling pagkabuhay, nakakamit ng isang makasalanan ang kapatawaran sa kanyang personal na kasalanan. Dito, kailangan natin ng mga sumusunod: examination of conscience, humble contrition, individual confession, doing of penance at promise to avoid occasions of sins.
© Copyright Pang Araw-araw 2025