Ebanghelyo: Mc 7: 31-37
Umalis si Jesus sa lupain ng Tiro at dumaan sa Sidon papunta sa lawa ng Galilea. Pagdating niya sa lupain ng Decapolis, may mga nagdala sa kanya roon ng isang bingi na halos di makapagsalita. At hiniling nila kay Jesus na ipatong dito ang kamay. Matapos siyang ihiwalay ni Jesus sa mga tao, inilagay niya ang kanyang daliri sa tainga ng tao at dumura at saka hinipo ang kanyang dila. At tumingala siya sa langit, nagbuntung-hininga at sinabi: “Ephphata,” na ang ibig sabihi’y “Buksan”. Nabuksan ang mga tainga ng tao at biglang nakalag ang dila niyang nakabuhol kaya nakapagsalita siya nang tuwid. Tinagubilinan sila ni Jesus na huwag sabihin ito kaninuman ngunit habang pinagbabawalan sila, lalo naman silang nagpapahayag. Labis na namangha ang mga tao at sinabi nila: “Pinaiigi niya ang lahat: nakaririnig ang bingi at nakapagsasalita ang pipi.”
Pagninilay
Sa mundo natin ngayon, mas marami ang bilang ng mga taong hindi gaanong pinalad (the less fortunate ones). May mga taong salat sa yaman at sa mga oportunidad na maka-angat sa buhay. May mga tao rin na may mga pisikal na kapansanan gaya ng mga bulag, pipi, bingi, at mga lumpo. May mga taong may diperensya sa pag-iisip, at meron din namang hindi pinalad na magkaroon ng magandang kalusugan at pangangatawan. Hindi kataka-taka na ang mga hindi gaanong pinalad sa buhay na ito ay may malakas na pananampalataya sa Diyos. Marahil Siya lang ang bukod tanging pinanggagalingan ng kanilang pag-asa at lakas para harapin ang mga hamon ng buhay. Maraming parte sa Banal na Kasulatan na nagpapahayag na ang Diyos na ating sinasamba ay may kakaibang pakikitungo sa mga dukha at sa mga taong hindi gaanong pinalad. Ito ang pinag-ugatan kung bakit ang Simbahang Katoliko at ang lahat ng kanyang kasapi ay tinatawag na magkaroon ng “preferential option for the poor.” Hinihikayat ang mga mananampalataya na iwasan ang pagtatangi-tangi sa mga tao na nabanggit sa Jaime 2:1-5. Walang puwang ang anumang uri ng diskriminasyon sa puso ng mga tunay na nagmamahal sa Diyos at sumusunod sa Kanyang kalooban. Ang lahat ng tao, mahirap man o mayaman, may pinag-aralan man o kulang sa kaalaman, maputi man o maitim, bata man o matanda, babae man o lalaki, atbp., ay mga anak lahat ng iisang Diyos na siyang alpha at omega ng lahat.
© Copyright Pang Araw-Araw 2024