Ebanghelyo: Lucas 6:27-38
Ngunit sinasabi ko sa inyong mga nakikinig: mahalin ninyo ang inyong mga kaaway, gawan ninyo ng mabuti ang mga napopoot sa inyo, pagpalain ninyo ang mga sumusumpa sa inyo, ipagdasal ninyo ang tumatrato sa inyo nang masama. Sa sumasampal sa iyo sa isang pisngi, iharap mo rin ang kabila. Sa umaagaw ng iyong kamiseta, huwag mong itanggi ang iyong sando. Magbigay ka sa sinumang humihingi sa iyo; at kung may kumuha ng iyong ari-arian, huwag mo nang hingin pa uli. Kaya gawin ninyo sa iba ang gusto ninyong gawin nila sa inyo. Kung minamahal ninyo ang mga umiibig sa inyo, ano ang kahanga-hanga roon? Minamahal din ng mga makasalanan ang mga nagmamahal sa kanila. Kung ginagawa ninyo ang mabuti sa mga gumagawa nito sa inyo, ano ang kahanga-hanga roon? Iyon din ang ginagawa ng mga makasalanan. Kung nagpapautang kayo sa mga inaasahan ninyong makapagbabayad, ano ang kahanga-hanga roon? Nagpapautang din ang mga makasalanan sa mga makasalanan para matanggap ang katumbas. Sa halip ay mahalin ninyo ang inyong mga kaaway; gumawa kayo ng mabuti at magpautang na walang inaasahang anuman. Kaya gagantimpalaan kayo nang malaki at magiging mga anak ng Kataas-taasan dahil butihin siya sa mga walangutang- na-loob at masasama. Maging maawain kayo gaya ng inyong Amang maawain. Huwag kayong humatol, at hindi kayo hahatulan; huwag ninyong sumpain ang sinuman, at hindi kayo susumpain; magpatawad kayo, at kayo’y patatawarin. Magbigay kayo, at kayo’y bibigyan isang saganang takal, siksik, liglig at umaapaw ang mabubuhos sa inyong kandungan. Sapagkat susukatin kayo sa sukatang ginagamit ninyo.”
Pagninilay
“Tanging pag-ibig at pagpapatawad ang susi.” Bilang tao, gusto nating
gumanti sa mga taong nakasakit sa atin at nakagawa ng masama. “Lumapit ako sa iyo bilang kaibigan upang humingi ng tulong, subalit tiniis mo ako.
Hindi rin kita tutulungan kapag nangailangan ka.” “Traydor ka sa akin, ipinagkakalat mo ang aking sikreto, ipagkakalat ko rin ang baho mo!” “Sinaktan mo ako, sasaktan din kita, humanda!” Ano ang mangyayari kung ganito ang ating pag-iisip? Ngipin sa ngipin, lahat tayo magiging bungal! Mata sa mata, lahat tayo mabubulag. Buhay sa buhay, wala nang katapusang ubusan ng lahi! Kailanman, hindi matatapos ang karahasan sa pamamagitan ng karahasan. Tanging pag-ibig at pagpapatawad ang susi upang mahinto ang karahasan. Ito ang turo ni Jesus, ito ang nangyari
doon sa krus ng Kalbaryo: “Ama, patawarin mo sila, sapagkat hindi nila alam ang kanilang ginagawa!”
© Copyright Pang Araw-araw 2025