Ebanghelyo: Lucas 6:39-42
Sinabi rin niya sa kanila ang isang talinhaga: “Puwede nga kayang akayin ng isang bulag ang isa pang bulag? Di ba’t kapwa sila mahuhulog sa kanal? Hindi higit sa kanyang guro ang alagad. Magiging katulad ng kanyang
guro ang ganap na alagad. Bakit mo tinitingnan ang puwing sa mata ng iyong kapatid? At di mo pansin ang troso sa iyong mata. Paano mo masasabi sa iyong kapatid: ‘Kapatid, pahintulutan mong alisin ko ang
puwing sa mata mo,’ gayong hindi mo nga makita ang troso sa mata mo? Mapagkunwari! Alisin mo muna ang troso sa mata mo, at saka ka makakakitang mabuti para alisin ang puwing sa mata ng kapatid mo.
Pagninilay
“Sa ating kahinaan, nakikita ang kalakasan ng Diyos!” Si Simon ay personal na tinawag ni Jesus matapos ang mahimalang pagkahuli ng maraming isda. Si Saulo ay tinawag ni Jesus noong siya ang naglalakbay patungong Damasko upang hulihin ang mga Unang Kristiyano na sa kanyang palagay ay mga naliligaw na Hudyo. Ang Espiritu ni Jesus na Muling Nabuhay
ang tumawag kay Pablo. Alam niya na hindi siya karapat-dapat
dahil sa kanyang ginawang pagpapahirap sa mga Kristiyano. Subalit nahabag sa kanya ang Diyos at tinawag siya at hinirang na apostol sa mga Hentil. Dahil dito lubos-lubos ang pasasalamat ni Pablo sa dakilang biyayang ito. Ganyang ang karanasan ng mga propeta sa Lumang Tipan, hindi rin sila karapat-dapat subalit pinili ni Yawe upang maging tagapagsalita niya sa kanyang bayan. “Panginoong Yawe, hindi po
ako magaling na tagapagsalita, bata pa po ako” (Jeremias 1:6). Tinawag
tayo ng Panginoon hindi dahil sa angking talino at talento natin. Tinawag niya tayo sa kabila ng ating mga kahinaan sapagkat nakita niya na sa ating
pagtugon at pagtitiwala sa Kanya, magagamit tayo ng Panginoon sa kanyang Plano ng Kaligtasan. Sabi ni Pablo: “Sa ating kahinaan, nakikita ang kalakasan ng Diyos!”
© Copyright Pang Araw-araw 2025