Ebanghelyo: Lucas 6:20-26
Tumingala noon si Jesus sa kanyang mga alagad at sinabi: “Mapapalad kayong mga dukha sapagkat sa inyo ang kaharian ng Diyos. Mapapalad kayong mga nagugutom ngayon sapagkat bubusugin kayo. Mapapalad kayong mga umiiyak ngayon sapagkat tatawa kayo. Mapapalad kayo kapag kinapopootan kayo ng mga tao at itinatakwil at iniinsulto, at sinisiraangpuri dahil sa akin. Magsaya kayo at lubos na magalak sa araw na iyon sapagkat malaki ang inyong gantimpalang nasa Diyos; gayundin ang ginawa ng kanilang mga ninuno sa mga propeta. Ngunit sawimpalad kayong mayayaman sapagkat tinatamasa na ninyo ang inyong ginhawa! Sawimpalad kayong mga busog ngayon sapagkat magugutom kayo! Sawimpalad kayong humahalakhak ngayon sapagkat mag luluksa kayo’t iiyak! Sawimpalad kayo kapag pinaguusapan kayo nang mabuti ng lahat ng tao dahil ganoon din ang ginawa ng kanilang mga ninuno sa mga bulaang propeta.
Pagninilay
Kapag Mapapalad ang mga mahihirap, nagugutom, umiiyak at nagdadalamhati, ina api, at isinasantabi. Bakit kaya mapapalad ang mga tulad nila? Mapapalad sila dahil sa kanilang pagdurusa, wala silang ibang sandigan at pinagkakatiwalaan kundi ang Diyos lamang. Mapapalad sila dahil ang Diyos na mahabagin ang susukli sa kanilang pagdurusa sa makalangit na yaman at kapurihang hindi nila natatamo dito sa lupa. Sa kabilang dako, bakit naman hindi ito pabor para sa mga mayayaman at walang pagdurusang natatamo sa mundo? Kasalanan bang maging mayaman at may kaya sa buhay? Hindi! Ang hindi tama ay ang pagkamakasarili at kawalangpakialam sa mga nagdurusang nangangailangan. Ang sukatan ng matuwid na Kristiyanong pamumuhay ay hindi lamang da hil tayo’y hindi nagkakasala. Kalakip din nito ang pagbibigay ng sapat na pagpapahalaga sa iba. Pagpapakita ng pagibig na handang magalay ng sarili at maglingkod sa mga higit na nangangailangan batay sa mga aral ni Jesus, ang ating Tagapagturo.
© Copyright Pang Araw-Araw 2023