Ebanghelyo: Jn 3: 13-17
Walang umakyat sa langit maliban sa bumaba mula sa langit – ang Anak ng Tao. At kung paanong itinaas ni Moises ang ahas sa disyerto, gayundin dapat itaas ang Anak ng Tao upang magkaroon ng buhay magpakailanman ang bawat nananalig sa kanya. Ganito nga kamahal ng Diyos ang mundo! Kayat ibinigay niya ang kanyang bugtong na anak upang hindi na mawala ang bawat nananalig sa kanya kundi magkaroon ng buhay magpakailanman. Hindi nga sinugo ng Diyos sa mundo ang Anak upang hukuman ang mundo kundi upang maligtas ang mundo sa pamamagitan niya.
Pagninilay
Ang krus ay tanda ng ating kaligtasan sa Ngalan ni Jesus. Dahil sa pagmamahal na lubos ng Diyos Ama, at sa dakilang pagtalima ng Diyos Anak, ang isang simbolo ng malupit na kamatayan sa panahong naglakbay si Jesus sa mundo, ay naging permanenteng simbolo ng pagibig ng Diyos at ng kaligtasan ng tao. Bilang pamayanan ng mga Katolikong Kristiyano, mahalagang bigyan natin ng nararapat na pagtatampok at karangalan ang krus. Mainam na gawin nating tama ang bawat gawa natin ng tanda ng krus sa simula at katapusan ng alin mang panalangin. Kapag nabanggit ang ‘Sa ngalan ng Ama,’ ang ating kanang kamay at dalawa hanggang apat na daliri ay nakalapat sa noo. Kapag nabanggit na ang … “at ng Anak,” ang kanang kamay na may sapat na bilang ng daliri ay nakalapat sa bandang pusod. Kapag nabanggit na ang … ‘at ng Espiritu Santo. Amen,’ ilalapat ang kanang kamay sa dulo ng kaliwang balikat, tapos ilalapat sa kanang balikat, tapos ipagtatapat ang dalawang palad sa bandang dibdib. Mas mabuti at magiging makabuluhan na gawin ito ng tama dahil ipinamamalas natin sa paggawa ng tanda ng krus (sign of the cross), ang pinakabuod ng ating pananampalataya.
© Copyright Pang Araw-Araw 2024