Ebanghelyo: Juan 19:25-27 (o Lucas 2:33-35)
Nangakatayo naman sa tabi ng krus ni Jesus ang kanyang ina at ang kapatid na babae ng kanyang ina, si Maria ni Cleofas at si Maria Magdalena. Kaya pagkakita ni Jesus sa ina at sa alagad na mahal niya na nakatayo sa tabi, sinabi niya sa Ina: “Babae, hayan ang anak mo!” pagkatapos ay sinabi naman niya sa alagad: “Hayan ang iyong ina.” At mula sa oras na iyon,
tinanggap siya ng alagad sa kanyang tahanan.
Pagninilay
“Servant-leader” “Iginigiit kong isamo, ipagdasal, ihiling at ipagpasalamat ng lahat ng tao ang mga hari at mga namumuno, upang mabuhay tayo sa kabanalan at katamtaman, sa katahimikan at kapayapaan.” May mga taong tinawag upang mamuno sa simbahan, sa pamahalaan, sa edukasyon at siyensiya, sa kalakaran at negosyo. Ano ba ng obligasyon natin bilang mga Kristiyano sa harap ng ating mga pinuno? Una, ang pagtanggap sa katotohanan na lahat ng kapangyarihan at autoridad sa lupa ay ipinagkatiwala lamang ng Diyos sa mga pinuno. Wala siyang dahilan upang magmalaki at abusuhin ang kanyang posisyon. Para kay Jesus, ang tunay na pinuno ay marunong lumuhod, maghugas ng paa ng mga alagad sa paglilingkod. Hindi ito ang lumang pananaw na ang mga pinuno ay sinusunod at pinaglilingkuran. Para kay Jesus, ang mamuno ay maging “servant-leader”. Lider na handang magpakababa at magalay ng sarili para sa kabutihan ng nakararaming ipinagkatiwala sa pinuno. Pangalawa, may obligasyon tayo na ipagdasal ang ating mga pinuno dahil alam nating hindi madali ang mamuno at naroon ang malaking temptation na abusuhin ang kanyang kapangyarihan.
© Copyright Pang Araw-araw 2025