Ebanghelyo: Lc 7: 1-10
Matapos ituro ni Jesus ang mga ito sa mga tao, pumasok siya sa Capernaum. May isang kapitan na may katulong na naghihingalo at pinahahalagahan niya ito. Pagkarinig niya tungkol kay Jesus, nagpapunta siya sa kanya ng mga Matatanda ng mga Judio para pakiusapang pumunta at pagalingin ang kanyang katulong. Pagdating ng mga ito kay Jesus, taimtim nila siyang pinakiusapan: “Marapat lamang na pagbigyan mo siya; mahal nga niya ang ating bayan at siya ang nagpatayo ng aming sinagoga.” Kaya kasama nilang pumunta si Jesus. Nang hindi na siya kalayuan sa bahay, nagpapunta naman sa kanya ng mga kaibigan ang kapitan para sabihin: “Ginoo, huwag ka nang magabala pa; hindi nga siguro ako karapat-dapat para tumuloy ka sa aking bahay. Kaya hindi ko man lang inakalang nararapat akong lumapit sa iyo. Mag-utos ka lang at gagaling na ang aking katulong. Mababa nga lang ang ranggo ko pero may mga sundalo sa ilalim ko. At kung iutos ko sa isa, ‘Umalis ka,’ umaalis siya; at sa iba naman, ‘Halika,’ at pumaparito siya. At pag sinabi kong ‘Gawin mo ito,’ sa aking katulong, ginagawa nga niya ito.” Humanga si Jesus pagkarinig niya nito. Lumingon siya sa mga sumusunod sa kanya at sinabi: “Sinasabi ko sa inyo, sa Israel ma’y hindi ko natagpuan ang ganitong pananalig!” At nang magbalik sa bahay ang mga sinugo, natagpuan nilang magaling na ang katulong.
Pagninilay
Ang kwento ng sundalong opisyal ng Romano at ang pagpapagaling ni Jesus sa katulong nito, ay napakaganda at kapupulutan ng aral. Una sa lahat, ang Romanong kapitan ay isang tao na nagpapahalaga sa kanyang katulong. Sa panahong iyon, ang mga nagsisilbi o katulong ay kinakalakal lang sa lipunan na parang mga bagay o mas mababang uri ng hayop. Maari nating
sabihin na para sa kapitan, isang taong mahalaga ang kanyang katulong. Pangalawa, minarapat ng kapitan na galangin ang Panginoon dahil hindi siya dumiretso kay Jesus upang humingi ng pabor. Idinaan niya sa mga Matatanda ng mga Judio ang kanyang pakiusap. Kung iisipin natin, bilang opisyal na sundalong Romano, pwede niya sanang gamitin ang kanyang kapangyarihan upang utusan si Jesus dahil sakop ng Imperyong Romano ang bayan ng mga Hudyo. Pangatlo, iginalang ng kapitan ang pananampalataya ng mga Hudyo at nagpatayo pa siya ng sinagoga. Kaya maging ang Matatanda ng mga Hudyo ay nakiusap kay Jesus para sa kanya. Pang-apat, ayaw na niyang maabala pa si Jesus kanya hindi na niya hiniling pang papuntahin sa kanyang tahanan dahil “madudungisan” si Hesus kapag dumalaw sa isang pagano. At ang panglima, sapat ang pananalig ng kapitan sa kapangyarihan ni Jesus.
© Copyright Pang Araw-Araw 2024




