Ebanghelyo: Lucas 7:11-17
Pagkatapos ay pumunta naman si Jesus sa isang bayang tinatawag na Nain at sinamahan siya ng kanyang mga alagad kasama ang maraming tao. Habang papalapit siya sa pintuan ng bayan, tamang-tama namang inilalabas ang isang patay – ang nag-iisang anak na lalaki ng kanyang ina,
at ito’y isang biyuda kaya sinamahan siya ng di-kakaunting tao mula sa bayan. Pagkakita sa kanya, nahabag sa kanya ang Panginooon at sinabi: “Huwag ka nang umiyak.” Lumapit siya at hinipo ang kabaong; tumigil naman ang mga maydala. At sinabi niya: “Binata, iniuutos ko sa iyo, bumangon ka!” Umupo nga ang patay at nagsimulang magsalita; at ibinigay
siya ni Jesus sa kanyang ina. Nasindak ang lahat at nagpuri sa Diyos, at sinabi: “Lumitaw sa atin ang isang dakilang propeta at dinalaw ng Diyos ang kanyang bayan.” Kayat kumalat ang balitang ito tungkol sa kanya sa buong lupain ng mga Judio at sa lahat ng karatig na lupain.
Pagninilay
“Walang imposible sa Diyos.” Tunay na kalunos-lunos ang buhay ng isang ina sa ebanghelyo ngayon. Siya ay isang biyuda, at namatay ang kaisa-isang anak na lalaki na may obligasyon sana na alagaan sa katandaan ang kanyang ina. Kayat gayun na lamang ang habag na nadama ni Jesus. Marahil naaalala niya si Maria na kanyang ina, na noong panahong iyon ay balo na rin at siya ang kaisa-isang anak na haharap pa sa kamatayan sa Biyernes Santo. Kailangang gumawa ng paraan si Jesus, ipinahinto ang
libing, lumapit at hinawakan ang patay at muling binuhay. Ito na marahil ang pinakamabigat na himala ni Jesus maliban kay Lazaro na apat na araw ng patay at nakalibing na nga. Muli, naroon ang aral na walang imposible
sa Diyos, walang imposible kay Jesus na Anak ng Diyos ng buhay. Pangalawa, siya ang Diyos ng buhay at lahat ng kanyang pagkilos ay upang maghatid ng buhay sa mga tao. Ang kanyang mga Salita ay salita ng buhay. Ang kanyang mga himala ay nagbibigay buhay. Ang kanyang mga talinhaga ay tungkol sa buhay sa Kaharian ng Diyos. Bilang mga anak ng Diyos at tagasunod ni Kristo, tayo rin ay inaanyayahan na pangalagaan ang buhay, ipagtanggol ang buhay, at magdulot ng lakas at inspirasyon sa buhay ng ating kapwa. At sa bandang huli, makamtan natin ang pangakong Buhay na Walang Hanggan sa piling ng Diyos.
© Copyright Pang Araw-araw 2025




