Ebanghelyo: Lc 7: 11-17
Pagkatapos ay pumunta naman si Jesus sa isang bayang tinatawag na Nain at sinamahan siya ng kanyang mga alagad kasama ang maraming tao. Habang papalapit siya sa pintuan ng bayan, tamang-tama namang inilalabas ang isang patay ang nagiisang anak na lalaki ng kanyang ina, at ito’y isang biyuda kaya sinamahan siya ng di-kakaunting tao mula sa bayan. Pagkakita sa kanya, nahabag sa kanya ang Panginooon at sinabi: “Huwag ka nang umiyak.” Lumapit siya at hinipo ang kabaong; tumigil naman ang mga maydala. At sinabi niya: “Binata, iniuutos ko sa iyo, bumangon ka!” Umupo nga ang patay at nagsimulang magsalita; at ibinigay siya ni Jesus sa kanyang ina. Nasindak ang lahat at nagpuri sa Diyos, at sinabi: “Lumitaw sa atin ang isang dakilang propeta at dinalaw ng Diyos ang kanyang bayan.” Kayat kumalat ang balitang ito tungkol sa kanya sa buong lupain ng mga Judio at sa lahat ng karatig na lupain.
Pagninilay
Ang Diyos na nagpakilala ng Kanyang sarili sa bayang Kanyang hinirang, at ibinunyag din ni JesuKristo sa Kanyang mga tagasunod, ay isang Diyos na maawain at mahabagin, dahil sa dakila Niyang pag-ibig sa sangkatauhan. Si Yahweh na nagpakilala bilang “Ehyeh Asher Ehyeh” sa Exodo 3:14 ay ibang-iba sa mga diyosdiyosan na sinasamba ng mga sinaunang Griyego at Romano. Ang mga diyos ng iba’t-ibang lahi ay kinakailangan ng mga alay na hayop atbp, upang huminahon at hindi magbigay ng kahirapan at kamalasan sa tao. Sa ebanghelyo, ang mukha ng Diyos na ipinamalas ay isang Diyos na may habag sa sakit at dalamhati ng isang biyudang babae na namatayan ng kanyang kaisaisang anak. Sa halimbawa ni Jesus, masisilayan ang mukha ng maawaing Diyos na kusang tumulong at gumawa ng himala para maibsan ang paghihirap ng byuda. Tunay nga na
ang Diyos ay Diyos ng mga buhay at hindi ng mga patay dahil may kapangyarihan at awtoridad Siyang buhayin o bigyang buhay muli ang taong namatay. Para kay Jesus, mas mahalaga ang awa at habag sa kapwa kaysa pag-aalay ng mga kinatay at pinausukan na mga hayop.
© Copyright Pang Araw-Araw 2024




