Ebanghelyo: Lucas 7:31-35
“Ngayon, kanino ko ikukumpara ang mga tao sa kasalukuyan, at sa ano sila katulad? Para silang mga batang nakaupo sa mga plasa, at nagrereklamo ang ilan sa kanila: ‘Tinugtog namin ang plauta para sa inyo at hindi kayo sumayaw, at nang umawit naman kami ng punebre, ayaw naman ninyong umiyak. Ganito rin naman ang nangyari. Dumating si Juan Bautista na hindi kumakain ng tinapay ni umiinom ng alak, at ang sabi ninyo’y ‘Nasisiraan siya ng bait!’ Dumating naman ang Anak ng Tao na kumakain at umiinom, at sinabi naman ninyong ‘Narito ang taong matakaw at lasenggo, kaibigan ng mga publikano at mga makasalanan.’ Gayon pa ma’y nakilala ng kanyang mga anak ang Karunungan.”
Pagninilay
“May ginawa bang himala ang Diyos sa buhay mo?” Ano ba ng kahulugan ng misteryo? Sa modernong isipan, ang misteryo ay mga pangyayaring hindi maipapaliwag ng siyensiya halimbawa ay mga himalang hinahanap upang mapatunayan na ang isang Kristiyano ay maaaring itanghal bilang santo o santa ng ating Simbahang Katolika. Subalit iba ang kahulugan sa bibliya ng misteryo. Ito ay tumutugon sa mga pangyayaring ginawa ng Diyos para sa kaligtasan ng mga tao. Sa Lumang Tipan, ang malahimalang pagtawid ng mga Israelita sa Dagat na Pula upang matakasan ang mga kabayuhan ni Paraon ng Ehipto na tumutugis sa kanila. Nariyan din
ang pagtawag ni Propeta Elias kay Yawe upang magpadala ng apoy mula sa langit upang tupukin ang kanyang handog na hayop na hindi magawa ng mga propeta ni Baal. Sa Bagong Tipan, nariyan ang pagpaparami ng limang tinapay at dalawang isda upang pakainin ang mahigit na limanlibong mga tao. Kapatid, may ginawa bang himala ang Diyos sa buhay mo?
© Copyright Pang Araw-araw 2025




