Ebanghelyo: Lc 7: 31-35
Ngayon, kanino ko ikukumpara ang mga tao sa kasalukuyan, at sa ano sila katulad? Para silang mga batang nakaupo sa mga plasa, at nagrereklamo ang ilan sa kanila: ‘Tinugtog namin ang plauta para sa inyo at hindi kayo sumayaw, at nang umawit naman kami ng punebre, ayaw naman ninyong umiyak. Ganito rin naman ang nangyari. Dumating si Juan Bautista na hindi kumakain ng tinapay ni umiinom ng alak, at ang sabi ninyo’y ‘Nasisiraan siya ng bait!’ Dumating naman ang Anak ng Tao na kumakain at umiinom, at sinabi naman ninyong ‘Narito ang taong matakaw at lasenggo, kaibigan ng mga publikano at mga makasalanan.’ Gayon pa ma’y nakilala ng kanyang mga anak ang Karunungan.”
Pagninilay
Ang tema ng pag-ibig o pagmamahal ay isa sa mga paboritong paksa ng maraming manunulat ng mga tula, nobela at telenobela, kompositor ng kanta, gumagawa ng mga pelikula, pati na rin ng mga pintor. Maraming nililikha ang tungkol sa pag-ibig at ang reaksyon ng mga madla ay samu’t-sari gaya ng pagkakilig, pagkalungkot at pag-iyak, pagkakaroon ng inspirasyon, galit at kung minsan depresyon. Tila pag-ibig nga ang tunay na pinakadakila lalo na sa larangan ng mga teleholikal na birtud na binanggit sa ika-1 Corinto 12:31—31:13. Ang bahagi na ito sa Biblia ay isa sa mga paboritong sinasangguni tuwing may retreat o rekoleksyon na ang paksa ay
pag-ibig. Ayon kay San Pablo, ang pag-ibig ay hindi tumitingin sa sarili. Ito ang nararanasan ng napakaraming mga tao na tunay na umiibig. Madalas kinakalimutan ang sarili at gagawin ang lahat para sa ikabubuti ng taong minamahal. Ang iba pa nga ay wala ng itinira sa sarili. Kaya hindi nakapagtataka na abot langit at lupa rin ang hapdi at sakit na nararamdaman kapag ang umiibig ay nakaranas ng pagkabigo. Gabayan nawa ng Espiritu ng Diyos ang lahat ng taong umiibig.
© Copyright Pang Araw-Araw 2024