Ebanghelyo: Lc 8: 1-3
Pagkatapos ay naglibot si Jesus sa bawat lunsod at bayan na nangangaral at ibinabalita ang kaharian ng Diyos. Kasama niya ang Labindalawa at ilang mga babae na pinagaling sa masasamang espiritu at mga karamdaman: si Maria na tinaguriang Magdalena, na nilisan ng pitong demonyo, si Juana na asawa ni Kusa na katiwala ni Herodes, at si Susana at iba pang naglilingkod sa kanila mula sa kanilang kaya.
Pagninilay
Mabigat at matindi ang tanong ni San Pablo, “Kung walang muling pagkabuhay ng mga patay, hindi rin nabuhay na muli si Kristo. At kung hindi muling nabuhay si Kristo, walang kabuluhan ang aming pangangaral at wala ring kabuluhan ang iyong paniniwala.” Hindi siguro kaya ng utak ng tao na mauunawaan kung ano ang magiging epekto nito sa sangkatauhan at sa buong mundo. Kung wala nga namang muling pagkabuhay, sobrang daming mga bagay sa mundo ang hindi na magkakaroon ng kahulugan, kahalagahan, at kabuluhan. Kung wala pa lang buhay na walang hanggan na naghihintay sa atin sa takdang oras ng kamatayan, nangangahulugan na ito lang ang buhay natin at wala ng tayong ipinagkaiba sa pangkaraniwang langgam na sa oras maapakan ng tao ay habambuhay ng wala. Malamang magkakaroon ng matinding kaguluhan sa mundo dahil sa darami ang mga taong tatahak sa daan ng kasamaan upang makamtan ang kanilang nais makuha at mangyari sa buhay nila. Hindi rin mabibilang ang mga taong mawawalan ng pag-asa, lalong-lalo na yaong mga hindi nabiyayaan sa lipunan. Ayon sa ating pananampalataya, totoong nabuhay na muli si Kristo. Samakatuwid, tunay na may muling pagkabuhay na naghihintay sa lahat ng mga sumusunod kay Jesus.
© Copyright Pang Araw-Araw 2024