Ebanghelyo: Mateo 9:9-13
Sa paglalakad ni Jesus, nakita niya ang isang lalaking nagngangalang Mateo na nakaupo sa singilan ng buwis at sinabi niya rito: “Sumunod ka sa akin.” At tumayo si Mateo at sinundan siya. At habang nasa hapag si Jesus sa bahay ni Mateo, maraming tagasingil ng buwis at iba pang makasalanan ang lumapit at nakisalo kay Jesus at sa kanyang mga alagad. Nang makita ito ng mga Pariseo, tinanong nila ang kanyang mga alagad: “Bakit kumakaing kasama ng mga makasalanan at maniningil ng buwis ang inyong guro?” Nang marinig ito ni Jesus, sinabi niya: “Hindi ang malulusog ang nangangailangan ng doktor kundi ang mga maysakit! Sige, matutuhan sana ninyo ang kahulugan ng ‘Awa ang gusto ko, hindi handog.’ Hindi ako pumarito para tawagin ang mabubuti kundi ang mga makasalanan.”
Pagninilay
Kinikilalang makasalanan at tinatalikdan nang pamayanan, isang tagasingil ng buwis para sa mga Romano, ngayo’y ipinagdiriwang ng Simbahan ang kanyang kapistahan – si San Mateo, na sumunod kay Jesus at nanatiling tapat sa Kanya. Nang walang pagaalinlangan, iniwan ni Mateo ang kanyang mesa sa paniningil ng buwis na na ging kanyang pangkabuhayan. Sumunod siya kay Jesus, nakihalubilo sa ibang mga kilalang makasalanan, at dahil nito’y sinaway si jesus ng mga pariseo. Ngayo’y pinararangalan si Mateo bilang isang Apostol kung saan itinayo ni Jesus ang kanyang Simbahan. Ang buhay ni San Mateo ay nagpapaalalang hindi hadlang ang pagiging makasalanan upang maging banal at malapit na kaibigan ni Jesus. Nagmumula ang kabanalan sa pagsunod kay Jesus nang walang pagaalinlangan at pananatiling tapat sa kanya. Dumating si Jesus upang tawagin ang mga makasalanan tungo sa kabanalan dahil sa Kanyang awa.
© Copyright Pang Araw-Araw 2023