Ebanghelyo: Lucas 8:19-21
Pinuntahan naman siya ng kanyang ina at mga kapatid pero hindi sila makalapit sa kanya dahil sa dami ng tao. May nagsabi sa kanya: “Nakatayo sa labas ang iyong ina at mga kapatid, at gusto kang makita.” Sumagot siya at sinabi sa kanila: “Ang mga nakikinig sa salita ng Diyos at nagsasagawa
nito, sila ang aking ina at aking mga kapatid.”
Pagninilay
“Ang ugnayan sa dugo.” “Ang mga nakikinig sa salita ng Diyos at nagsasagawa nito, sila ang aking ina at aking mga kapatid.” Malalim ang ugnayan sa dugo. Dahil sa kapatiran sa dugo, handang magsakripisyo ang tao para sa kanyang kapatid sukdulang ialay ang kanyang buhay. Subalit para kay Jesus, mayroong isa pang batayan ng kapatiran: ang nakikinig ng Salita ng Diyos at at nagsasabuhay na ito ang ina, ama, at kapatid ni Jesus. Sa katunayan, ang mga salitang ito ay hindi pagtalikod at di pagkilala kay Maria. Ibig lamang ipakita ni Jesus na si Maria ay pamilya sa dugo at pamilya din sa pakikinig sa Salita ng Diyos. Sa pamamagitan ni Anghel Gabriel, ipinahayag ang salita ng Diyos na siya ay napili upang maging ina na Manunubos. Ano ang tugon ni Maria? “Ako’y alipin ng Panginoon, mangyari sa akin ang ipinasasabi Niya!” Ang buong buhay ni Maria ay pakikinig sa plano ng Diyos at ang pagsasagawa nito. Hindi ito madali sapagkat maraming dalamhati ang kasama nito subalit niyakap ni Maria tulad ng pagyakap niya kay Jesus matapos ibaba ito sa krus ng Kalbaryo (La
Pieta). Kapatid, mahalaga ba iyo ang Ugnayan sa dugo? Mahalaga din ba ng bagong ugnayan sa Salita ng Diyos na buhay?
© Copyright Pang Araw-araw 2025




