Ebanghelyo: Lucas 9:1-6
Tinawag ni Jesus ang Labindalawa at binigyan sila ng lakas at kapangyarihan para supilin ang lahat ng demonyo at magpagaling ng mga sakit. Sinugo niya sila para ipahayag ang kaharian ng Diyos at magbigay-lunas. Sinabi niya sa kanila: “Huwag kayong magdala ng anuman sa inyong paglakad, ni tungkod, ni supot, ni tinapay, ni salapi; huwag kayong magkaroon ng tigalwang bihisan. Sa alinmang bahay kayo nakituloy, doon kayo tumigil hanggang sa pagalis ninyo. Kung may hindi tatanggap sa inyo, umalis kayo sa bayang iyon at ipagpag ang alikabok sa inyong mga paa bilang sakdal laban sa kanila.” Kaya nga lumabas sila at dumaan sa lahat ng bayan na nangangaral at nagpapagaling saanman.
Pagninilay
“Huwag mawalan ng pag-asa.” Tunay nga na ang buhay natin ay parang gulong: minsan nasa itaas ng tagumpay, kasayahan at kalayaan. Minsan naman ay nasa ibaba ng pagkatalo, kalungkutan at pagka-alipin. Ito rin ang karanasan ng mga Israelita. Pagka-alipin sa Ehipto, sinundan ng kalayaan sa Lupang Pangako ng Canaan. Pagkaalipin sa Assyria, sinundan ng kalayaan at pagbabalik sa kanilang bayan. Pagka-alipin sa Babylonia, sinundan ng kalayaan at pagbabalik sa Jerusalem upang muling itayo ang templo at ang bayan. Subalit sa gitna ng pagka-alipin, naroon pa rin ang presensiya ng Diyos: Mga alipin nga kami subalit hindi kami pinabayaan ng Diyos. Sa gitna ng kadiliman, mayroon pa ring konting liwanag at sa gitna ng liwanag, mayroon ding konting dilim. Ano ang hamon sa atin? Huwag mawalan ng pag-asa sa gitna ng kadiliman, hanapin ang munting liwanag ng presensiya ng Diyos. Sa gitna ng Biyernes Santo, naroon ang pagliligtas sa kasalanan ng tao, naroon ang paraiso para sa isang magnanakaw na ipinaglaban si Jesus at humingi ng pabor sa kanya na alalahanin sa kanyang kaharian.
© Copyright Pang Araw-araw 2025




