Ebanghelyo: Lucas 9:7-9
Nabalitaan naman ng tetrarkang si Herodes ang lahat ng pangyayaring ito at litung-lito siya dahil may nagsasabing nabuhay mula sa mga patay si Juan. Sinabi naman ng iba na nagpakita si Elias, at ng iba pa na isa sa mga propeta noon ang bumangon. At sinabi ni Herodes: “Pinapugutan ko si Juan; sino nga kaya itong nababalitaan kong gumagawa ng mga iyon?” Kaya sinikap niyang makita siya.
Pagninilay
“Simbolo ng makapangyarihang presensya.” “Ito ang ipinasasabi ni Yawe ng mga Hukbo: Isipin ninyo ngayon ang dapat ninyong gawin: Umahon
kayo sa bundok at maghanap ng kahoy para itayong muli ang Bahay. Ito ang magpapaligaya at lubos na makapangpapatanghal sa akin.” Mahalaga ang templo sa Lumang Tipan. Ito ay simbolo ng makapangyarihang presensiya ni Yawe sa kanyang bayang Israel. Dito rin sa templo kanilang ipinamamalas ang pagsamba na kalugod-lugod sa Kanya. Sa gitna ng templo, panatag ang mga Israelita. Subalit nang ito’y wasakin ng mga dayuhan at ninakaw ang mga mamahaling kasangkapan, gayun na lamang ang panlulumo ng Israelita. Pangarap nila na balang araw, ito ay muling itatayo at muling babalik ang Maluwalhating Presensiya ni Yawe. Sa pamamagitan ni Haring Ciro, magaganap ang kanilang pangarap. Magtutulungan ang mga lider ng bayan, mga saserdote at mga propeta upang sama-samang itayo ang Templo. Subalit hinamon ni Jesus na buwagin ang templong iyon at muli niyang itatayo sa loob ng tatlong araw. Ang templong tinitukoy niya ay ang templo ng kanyang Mahal na Katawan, kung saan ang Bagong Bayan ng Diyos ay mag-aalay ng bagong pagsamba na tunay na kalugodlugod sa kanyang Ama sa langit.
© Copyright Pang Araw-araw 2025




