Ebanghelyo: Lc 9: 46-50
Nangyari na ikinabahala nila kung sino nga kaya sa kanila ang pinakadakila. Alam ni Jesus ang pinagtatalunan nila sa kanilang isipan kaya kumuha siya ng isang bata at pinatayo sa tabi niya. At sinabi niya sa kanila: “Ang tumatanggap sa batang ito sa ngalan ko ay tumatanggap sa akin, at ang tumatanggap sa akin ay tumatanggap sa nagsugo sa akin. At isa pa: ang matagpuang pinakamaliit sa inyong lahat ang siyang dakila.” At nagsalita si Juan: “Guro, may nakita kaming nagpapalayas ng mga demonyo sa ngalan mo. Pero pinagbawalan namin siya dahil hindi siya sumusunod na kasama namin.” Ngunit sinabi ni Jesus sa kanya: “Huwag ninyo siyang pagbawalan dahil panig sa inyo ang hindi laban sa inyo.”
Pagninilay
Kapistahan ngayon ni San Geronimo. Siya ang isa sa mga santo na ipinipilit ang seryosong pag-aaral ng mga Katoliko sa Banal na Kasulatan. Para kay San Geronimo, “Ang kamangmangan sa Banal na Kasulatan ay kamangmangan kay Kristo” (ignorance of Scriptures is ignorance of Christ). Nararapat lang na bigyan ng sapat na oras, dedikasyon at pagtutok sa pag-aaral ng Salita ng Diyos na siyang pinagmulan at sanggunian ng pagbubunyag ng Diyos sa tao. Nakakalungkot lang na ito’y mas nabibigyang pansin ng mga Protestante at iba’t-ibang mga denominasyon at Kristiyanong sekta. Tila yata kulang na kulang ang kaalaman ng maraming Katolikong Pilipino tungkol sa Salita ng Diyos. Kung bibigyan lang sana ng sapat na oras at panahon ang pag-aaral ng Banal na Kasulatan, tayo ay makakaasa na lalalim at magiging tunay ang pagsasabuhay ng pananampalataya ng maraming Pilipino. Halimbawa, ang kwento ng buhay ni Job ay ganap na sanggunian kung ano ang tamang saloobin sa mga matinding pagsubok na dumaan at nararanasan ng tao sa buhay. Wala na sigurong hihigit pa sa sunod-sunod na kamalasan na nangyari sa kanya (Job 1:16-22). Ngunit, hindi siya bumitaw sa tiwala niya sa Diyos at siya ay muling pinagpala.
© Copyright Pang Araw-Araw 2024





