Ebanghelyo: Lucas 18:1-8
Dapat laging manalangin at huwag masiraan ng loob – ito ang sinabi ni Jesus sa kanila sa isang talinghaga. Sinabi Niya: “Sa isang lunsod, may isang hukom na walang takot sa Diyos at walang pakialam sa mga tao. May isa ring biyuda sa lunsod na iyon na madalas pumunta sa Kanya at sinasabi: ‘Igawad mo sa akin ang katarungan laban sa aking kalaban.’ Matagal siyang umayaw pero naisip Niya pagkatapos: ‘Wala man akong takot sa Diyos at walang pakialam sa tao, igagawad ko pa rin ang katarungan sa biyudang ito na bumubuwisit sa akin at baka masiraan pa ako ng ulo sa pagpuntapunta Niya’.” Kaya idinagdag ng Panginoon: “Pakinggan ninyo ang sinabi ng di-matuwid na hukom. Di ba’t igagawad ng Diyos ang katarungan sa Kanyang mga hinirang na araw-gabing tumatawag sa Kanya? Pababayaan ba Niya sila? Sinasabi ko sa inyo, agad Niyang igagawad sa kanila ang katarungan. Ngunit pagdating ng Anak ng Tao, makakakita kaya Siya ng pananampalataya sa lupa?”Pagninilay
“Pababayaan ba Niya sila?” Ayon sa isang kawikaan, matitiis ng anak ang Kanyang mga magulang ngunit walang magulang ang kayang tiisin ang Kanyang mga anak. Hindi ba’t si Jesus mismo ang nagturo sa atin na manalangin at tawagin ang Diyos na “Ama namin.” Batid ng Diyos ang ating mga pangangailangan. Dinig Niya ang bulong ng ating mga puso at usal ng ating mga labi. Hindi natutulog ang Diyos. Ngunit minsan, madali tayong mainip, mapanghinaan ng loob at mawalan ng pag-asa. Gusto nating agad-agad tugunan ang ating mga panalangin. Nais nating masunod sa madaling panahon ang ating kalooban. Tandaang tayo’y tinuruang manalangin na sundin ang loob ng Ama. Patuloy na “laging manalangin at huwag masiraan ng loob.”© Copyright Pang Araw-Araw 2019