Ebanghelyo: Lucas 1:67-79
Napuspos ng Espiritu Santo ang ama niyang si Zacarias at nagpropesiya nang ganito: “Purihin ang Panginoon, ang Diyos ng Israel,dahil nilingap niya at tinubos ang kanyang bayan. Mula sa sambahayan ni David na kanyang lingkod, ibinangon niya ang magliligtas sa atin, ayon sa ipinangako niya noong una sa pamamagitan ng mga banal niyang propeta: kaligtasan mula sa ating mga kaaway at sa kamay ng mga namumuhi sa atin. Nagpakita siya ng awa sa ating mga ninuno at inalaala ang banal niyang tipan, ang pangakong sinumpaan niya sa ating amang si Abraham na ililigtas tayo sa kamay ng ating mga kaaway, upang walang takot natin siyang mapaglingkuran, nang may kabanalan at katarungan sa harap niya sa buong buhay natin. At ikaw naman na munti pang anak ay tatawaging propeta ng Kataas-taasan. Mangunguna ka nga sa Panginoon para ihanda ang kanyang daan. Ituturo mo ang kaligtasan sa kanyang bayan sa pagpapatawad niya sa kanilang mga sala. Ito ang gagawin ng maawaain nating Diyos sa pagpapasikat niya sa atin ng araw na galing sa kaitaasan upang liwanagan ang mga nananatili sa kadiliman at sa lilim ng kamatayan, at akayin ang ating mga yapak sa daan ng kapayapaan.”
Pagninilay
Magmula nang napalaya si Zacarias sa pagiging pipi, sumabog nang papuri ang kanyang pananalita na nagpapahayag sa kadakilaan ng Diyos sa kasaysayan ng ating mundo. Ang tagapagligtas ay darating! Ang kanyang sariling anak ay magsisilbing saksi at magbibigay ng liwanag sa ating Manunubos na si Jesus. Panginoon, habang papalapit na kami sa bisperas ng Pasko, ipaalala mo muli sa amin kung gaano kalaki ang iyong habag habang patuloy kaming naglalakbay sa landas ng buhay. Tulungan mo kaming lumago arawaraw sa kamalayan ng iyong dakilang pagmamahal upang masaya naming maipahayag ito sa salita at sa gawa.
© Copyright Pang Araw-Araw 2020