Ebanghelyo: Lucas 6:1-5
Isang Araw ng Pahinga, naglalakad si Jesus sa bukirin ng trigo. Nangyari na hinimay ng kanyang mga alagad ang mga butil sa pagkiskis sa kanilang mga kamay, at kinain ang mga ito. Sinabi ng ilang Pariseo: “Bakit ninyo ginagawa ang ipinagbabawal sa Araw ng Pahinga?” Ngunit nagsalita si Jesus at sinabi niya sa kanila: “Hindi ba ninyo nabasa ang ginawa ni David nang magutom siya at ang kanyang mga kasama? Pumasok siya sa Bahay ng Diyos, kinuha ang tinapay na inihain para sa Diyos, kinain ito at binigyan pa ang kanyang mga kasamahan, gayong bawal itong kainin ninuman liban sa mga pari.” At sinabi pa niya sa kanila: “Panginoon ng Araw ng Pahinga ang Anak ng Tao.
Pagninilay
Ayon sa Kasulatan bawal kumilos sa Araw ng Pamamahinga dahil ito ay isang sagradong araw na dapat ialay sa Diyos. Ito ang araw kung kailan nagpahinga ang Diyos, ayon sa aklat ng Genesis, matapos likhain ang mundo. Para sa mga Pariseo kahit tumulong sa kapwa ay bawal gawin sa Araw ng Pamamahinga, kaya madalas napupuna nila ang magagandang gawain ni Jesus. Para sa kanila, mas mahalaga ang pagsunod sa Batas kahit walang puso, kaysa tumulong sa kapwa. Pero ano naman ang kabuluhan ng pagsunod sa batas ng relihiyon kung walang pakialam ang tao sa mga pagsamo at paghihirap ng kanyang kapwa? Napakagandang magsimba at magdasal habang nagpapakita ng tunay na paglilingkod at mga magagandang katangian.
© Copyright Pang Araw-Araw 2020