Ebanghelyo: Juan 16:23b-28
At sa araw na iyon, wala na kayong itatanong sa akin sapagkat talagang-talagang sinasabi ko sa inyo na ipagkakaloob sa inyo anumang hingin ninyo sa Ama sa Ngalan ko. Hanggang ngayo’y wala pa kayong hiningi sa Ngalan ko. Humingi kayo at tatanggap kayo upang maganap ang inyong kagalakan. Sa mga paghahambing ko ipinangungusap sa inyo ang mga ito. Ngunit may oras na sasapit na hindi sa paghahambing ako mangungusap sa inyo kundi lantaran ko nang ihahayag sa inyo ang tungkol sa Ama. Sa araw na ’yon, sa ngalan ko kayo hihingi; hindi ko sinasabi sa inyo na makikiusap ako sa Ama alang-alang sa inyo pagkat iniibig kayo mismo ng Ama dahil iniibig n’yo ako at pinaniniwalaang sa Diyos ako galing. Galing ako sa Ama at dumating sa mundo. Muli kong iniiwan ang mundo at papunta sa Ama.
Pagninilay
Ang pagmamahal ng Diyos ay walang katumbas at kondisyon. Si Jesus, na ating Tagapagligtas, ay ang manipestasyon ng pagmamahal ng Diyos sa atin. Ipinadala ng Ama si Jesus para ipaalam sa atin na patuloy pa rin niya tayong minamahal at upang maranasan natin kay Jesus ang pag-ibig ng Diyos. Pag-ibig na makapagbibigay sa atin ng tunay na kaligayahan. Kaya ang ating ugnayan sa Ama ay higit nating mapagtitibay at mapapalalim kung hahayaan natin si Jesus na pumasok sa ating buhay Lantarang winika ni Jesus ang tungkol sa Ama, na Siya ay mapagbigay kung anuman ang hihingin natin sa pangalan niya (Jesus) dahil siya ay galing sa Ama. Ito’y nagpapahiwatig na si Jesus ay tunay na Anak ng Diyos at sa pamamagitan niya tayo ay mapapalapit sa Ama. Itinuro niya kung papaano lumapit sa Ama at wala tayong dahilan para hindi lumapit at tumawag sa Ama.
© Copyright Pang Araw-Araw 2020