Ebanghelyo: Mateo 10:34 – 11:1
Huwag ninyong isipin na dumating ako para magdala ng kapayapaan sa lupa. Hindi kapayapaan ang dala ko kundi tabak. Dumating akong taglay ang paghihiwalay: ng tao laban sa kanyang ama, ng anak na babae sa kanyang ina, ng manugang sa kanyang biyenan. At magiging kaaway ng bawat isa ang kanyang mga kasambahay.
Ang mas nagmamahal sa kanyang ama o ina kaysa akin ay hindi karapat-dapat sa akin. Ang mas nagmamahal sa kanyang anak kaysa akin ay hindi karapat-dapat sa akin. At ang hindi nagpapasan ng kanyang krus at sumusunod sa akin ay hindi karapat-dapat sa akin. Ang nagpapahalaga sa kanyang sarili ang siyang mawawalan nito, at ang nawawalan naman ng kanyang sarili ang siyang makakatagpo nito. Kung may tumatanggap sa inyo, tinatanggap din niya ako; at kung may tumatanggap sa akin, tinatanggap din niya ang nagsugo sa akin. Kung may tumanggap sa isang propeta dahil propeta ito, tatanggapin niya ang gantimpalang bagay sa isang propeta; kung may tumanggap sa isang mabuting tao dahil marangal ito, tatanggapin niya ang gantimpalang bagay sa isang mabuting tao. Kung may magpainom ng malamig na tubig sa isa sa maliliit na ito dahil sa alagad ko ito, sinasabi kong hindi siya mananatiling walang gantimpala.”
Nang matapos si Jesus sa pagtuturo sa Labindalawa niyang alagad, umalis siya roon para magturo at mangaral sa mga bayan doon.
Pagninilay
Medyo nakakapanibago sa pandinig ang mga salitang binitiwan ni Jesus sa Ebanghelyo. Tila ba parang nagagalit siya. Pero, galit nga ba si Jesus o nagpapaalala lamang Siya sa mga tao nang dapat at di dapat gawing paguugali ng mga taong nagsasabing gustong maging alagad Niya? Palaging sinasabi ni Jesus na hindi madali ang sumunod sa kanya. Kailangang malinaw sa atin na kapag pumasok tayo sa pakikipag-ugnayan sa Diyos, handa talaga tayong panindigan at ibigay ang ating katapatan sa kanya.
May mga Pilipino na nasa ibang bansa na kahit na bawal ang Pananampalatayang Katoliko, sinisikap pa rin nilang magawa ang magsimba kahit sa online lang at magrosaryo ng patago. Batid natin ang hirap na kanilang pinagdadaanan. Ang nakakalungkot lang, dito sa Pilipinas, may mga mambabatas tayo na nagsusulong na ipagbawal o alisin ang mga simbolo nang ating pananampalataya, katulad ng Krus. Nais ipagbawal ang paglalagay ng Krus sa mga ospital. Nasaan ang mga katolikong mambabatas sa usaping ito? Nawa’y manindigan ang mga kapwa katoliko natin na ipaglaban ito. Kaya tayo bilang kumikilala kay Jesus, kaya ba nating panindigan at ipakilala sa buong mundo na ikaw ay kay Kristo?
© Copyright Pang Araw-Araw 2022