Ebanghelyo: Lucas 14:12-14
Sinabi naman ni Jesus sa nag-anyaya sa kanya: “Kung maghahanda ka ng tanghalian o hapunan, huwag mga kaibigan mo o mga kapatid mo o mga kamag-anak o mayayamang kapitbahay ang iyong kumbidahin, baka kumbidahin ka rin nila at susuklian ka. Kung maghahanda ka, mga dukha, mga balewala, mga pilay at mga bulag ang kumbidahin mo. At magiging mapalad ka dahil hindi ka nila masusuklian ngunit sa pagkabuhay ng mga mabuti ka susuklian.”
Pagninilay
Pinaghahambing ni Jesus ang pagkilos na makatao at ang pagkilos na maka-Diyos. Ang paggawa ng mabuti na may hinihintay na kapalit ay makatao. Ang pagkilos ng mabuti na walang hinihintay na kapalit ni ng pasasalamat o pagtanaw ng utang na loob ay maka-Diyos. Ang maka-taong gawi ay bunga ng insecurity o kawalan ng kasiguruhan. Upang makasiguro na hindi tuluyang mawawala ang mga bagay o kalagayan, dapat may kapalit. Pero wala ring malinaw na katiyakan dito dahil paano kung hindi nagbigay ng kapalit ang binigyan? Paano kung nagtalo – sira ang kausap? Hangga’t ang kausap ay kapwa tao wala talagang 100 porsyento na kasiguruhan. Iba ang maka-Diyos na pagkilos. Alam na lahat ay galing sa Diyos. Kaya pag ipinamigay, bibigyan ka uli ng Diyos. Siyempre dahil umaasa sa Diyos hindi lahat ng gusto ay masusunod pero marunong magpaubaya, marunong maghintay at marunong tumanggap ng pagkabigo sa inaasahan dahil para sa kanya, Diyos ang nakakaalam kung ano ang mabuti, na maaaring sa ngayon ay hindi niya alam. Sa lahat ng ito siya ay mapayapa dahil nagtitiwala na hindi pababayaan ng Diyos ang sinuman.
© Copyright Pang Araw-Araw 2022




