Ebanghelyo: Lucas 15:1-10
Lumapit kay Jesus ang lahat ng kolektor ng buwis at mga makasalanan para makinig. Kaya nagbulung-bulungan ang mga Pariseo at mga guro ng Batas: “Tinatanggap niyan ang mga makasalanan at nakikisalo sa kanila.” Kaya sinabi ni Jesus ang talinhagang ito sa kanila:
“Kung may sandaang tupa ang isa sa inyo at mawala ang isa sa mga ito, hindi ba niya iiwan ang siyamnapu’t siyam sa ilang para hanapin ang nawawala hanggang matagpuan niya ito? At pag natagpuan ito’y masaya niya itong pinapasan sa balikat, at pagdating sa bahay ay tatawagin niya ang mga kaibigan at mga kapitbahay at sasabihin sa kanila: ‘Matuwa kayong kasama ko sapagkat natagpuan ko na ang nawawala kong tupa.’ Sinasabi ko sa inyo: magkakaroon din ng higit na kagalakan sa langit para sa isang makasalanang nagsisisi kaysa siyamnapu’t siyam na matuwid na di nangangailangan ng pagsisisi.
“Kung may sampung baryang pilak ang isang babae at nawala ang isa sa mga ito, hindi ba siya magsisindi ng ilaw, magwawalis sa bahay at hahanaping mabuti hanggang matagpuan ito? At pagkakita rito’y tatawagin ang mga kaibigang babae at mga kapitbahay: ‘Matuwa kayong kasama ko sapagkat natagpuan ko ang nawawala kong baryang pilak.’ Sinasabi ko sa inyo na ganito rin sa mga anghel ng Diyos, magkakaroon ng kagalakan para sa isang makasalanang nagsisisi.”
Pagninilay
Habang tumatagal ay lalong ipinakikilala sa atin ni Jesus kung sino talaga ang Diyos. At habang nakikilala natin Siya, untiunti tayong nahihimok na maging katulad Niya, hindi dahil sa takot kundi dahil maganda, mabuti at masaya.
Napakaganda at napakasaya para sa Diyos ang magpatawad. Sa kasamaang-palad hindi ito makita ng mga nagkukunwaring mabubuti, ang mga Pariseo at guro ng batas. Hindi nila maintindihan kung bakit nakikihalubilo si Jesus sa mga kolektor ng buwis at mga itinuturing na mga makasalanan. Hindi nila alam na para rin sa kanila, kaya ang Ikalawang Persona ng Diyos ay naging tao. Kaya ang paglapit ng mga makasalanan kay Jesus ay pagsasakatuparan ng Kanyang misyon. Kaya ganun na lamang ang Kanyang kagalakan. Ginamit pa Niya ang mga talinhaga upang maunawaan ito ng mga namumuhi sa mga makasalanan at ayaw na sila ay magbalik sa Diyos.
Katulad din tayo ng mga pariseo at guro ng batas. Nagkukunwari na malilinis at nanghuhusga sa mga makasalanan na nagbabalik-loob sa Diyos. Kaawaan nawa tayo ni Jesus at ibahagi sa atin ang kaligayahan na nadarama ng Diyos at nadarama ng isang nagbabalik-loob kung gaano ito kaganda, kabuti at kasaya.
© Copyright Pang Araw-Araw 2022