Ebanghelyo: Lucas 21:20-28
Kung makita ninyong nakubkob na ng mga hukbo ang Jerusalem, alamin ninyong sumapit na ang kanyang pagkawasak. Kaya tumakas pa-bundok ang mga nasa Judea, umalis ang mga nasa lunsod, at huwag nang bumalik doon ang mga nasa bukid.
Sapagkat ito ang mga araw ng paghihiganti sa kanya para matupad ang lahat ng nasa Kasulatan. Sawimpalad ang mga nagdadalantao o mga inang nagpapasuso sa mga araw na iyon. Sapagkat matindi ang sasapit na kapahamakan sa lupain at ang galit sa bayang ito. Mamamatay sila sa tabak, dadalhing bihag sa lahat ng bansa, at yuyurakan ng mga bansang pagano ang Jerusalem hanggang mabuo ang panahon ng mga bansa.
Magkakaroon ng mga tanda sa araw, buwan at mga bituin. Sa lupa’y mangangamba ang mga bansa dahil sa ugong at alon ng dagat, at wala silang magagawa. Hihimatayin ang mga tao dahil sa takot at pagkabahala sa mga sasapitin ng sanlibutan sapagkat mayayanig ang mga puwersa ng sanlibutan. At makikita nila ang Anak ng Tao na dumarating na nasa ulap na may Kapangyarihan at ganap na Luwalhati.
Kung magsimula nang maganap ang mga ito, tumindig kayo at tumunghay dahil palapit na ang inyong katubusan.”
Pagninilay
Dalawa ang nagaganap sa salaysay ng ebangelyo: ang pagkawasak ng Jerusalem at ang papalapit na katubusan. Sa una, inilalarawan ni Jesus ang kakilakilabot at nakasisindak na magaganap, kasama na rito ang kamatayan. Pero sinasabi rin ni Jesus na dapat lamang mangyari ito bilang nakasaad sa kasulatan, sa madali’t sabi ito ay itinakda ng Diyos. Kung ito’y gawa ng Diyos walang dapat na ikabahala ang mga tapat na lingkod ng Diyos. Ang dapat matakot ay yaong mga sumusuway sa Kanyang utos. Sa katapusan ng panahon matinding kapahamakan ang sasapit sa kanila. Sa kabilang dako, mahahayag ang Tagapagligtas na si Jesus na may kapangyarihan at ganap na luwalhati. Kung paanong ang mga sumuway kay Jesus ay tinawag na sawimpalad, ang mga tagasunod ni Jesus ay mapapalad. Karangalan nila na tumindig dahil maililigtas na sila. Dalawang kalagayan: Kalagayan na kasama ang Diyos at kalagayan na naglayo ng sarili sa Diyos. Dalawa rin ang damdamin: Ang mga kasama ng Diyos ay magagalak. Ang mga malayo sa Diyos ay tigib ng takot at pangamba. Saan kaya tayo?
© Copyright Pang Araw-Araw 2022





