Ebanghelyo: Mateo 8:5-17
Pagdating ni Jesus sa Capernaum lumapit sa kanya ang isang kapitan at nakiusap sa kanya: “Ginoo, naka higa sa bahay ang aking katulong. Lumpo siya at sobra na ang pag hihirap…”
Sinabi sa kanya ni Jesus: “Paroroon ako at pagagalingin ko siya.” Sumagot ang kapitan: “Hindi ako karapat-dapat para tumuloy ka sa bahay ko. Mag-utos ka lang at gagaling na ang aking katulong. May nag-uutos sa akin at may inuutusan din ako, at pag sinabi ko sa isa sa mga kawal na nasa ilalim ko: ‘Pumaroon ka,’ pumaparoon siya. At sinasabi ko naman sa isa pa: ‘Pumarito ka,’ at pumaparito siya; at sa aking katulong: ‘Gawin mo ito,’ at ginagawa niya ito.”
Nang marinig ito ni Jesus, humanga siya at sinabi sa mga sumusunod sa kanya: “Sinasabi ko sa inyo, wala pa akong natagpuang ganitong paniniwala sa Israel. Sinasabi ko sa inyo: marami ang darating mula sa silangan at sa kanluran para makisalo kina Abraham, Isaac at Jacob sa kaharian ng Langit. At itatapon naman sa kadiliman ang mga tagapagmana ng Kaharian; at doon ang iyakan at pagngangalit ng mga ngipin.”
At sinabi ni Jesus sa kapitan: “Umuwi ka at mangyayari ang pinaniniwalaan mo.” At gumaling ang katulong sa oras ding iyon. Pagpasok naman ni Jesus sa bahay ni Pedro, nakita niya ang biyenan ni Pedro na may lagnat at nakahiga. Hinawakan niya ito sa kamay at nawala ang lagnat nito. Kaya bumangon ito at nagsimulang maglingkod sa kanya. Pagkalubog ng araw, dinala nila kay Jesus ang mga taong inaalihan ng masasamang espiritu, at sa isang salita lamang ay napalayas niya ang mga ito. Pinagaling din niya ang mga maysakit. Sa ganitong paraan natupad ang sinabi ni Propeta Isaias: Kinuha niya ang ating mga sakit at pinasan ang ating mga karamdaman.
Pagninilay
Nang may mapagpakumbabang puso, lumapit at hiniling ng kapitan kay Jesus na gamutin ang kanyang alagad na may karamdaman. Ang hindi niya pagpayag na pumunta pa si Jesus sa kanyang tahanan ay pagpapamalas sa kanyang mataas na paggalang kay Jesus. Siya ay hindi karapat-dapat na mag-utos sa Kanya. Nagtitiwala ang kapitan na ang Salita lamang ni Jesus ay sapat na upang pagalingin ang kanyang katulong. Sa tuwing tayo’y dumadalo sa Banal na Misa, bago tumanggap ng Banal na Pakikinabang, ay sinasambit din natin ang mga katagang binitawan ng kapitan, “Panginoon, hindi ako karapat-dapat na magpatuloy sa Iyo, ngunit sa isang salita Mo lamang ay gagaling na ako.”
Ito ay pagpapahayag ng ating pananampalataya sa kapangya rihan ni Jesus. Dapat lamang nating ihanda ang ating mga sarili nang may mapagpakumbaba at nagtitiwa lang puso sa bawat pagkakataong tayo’y makikinig sa mga Salita ni Jesus at tatanggap sa Kanyang katawan sa Banal na Misa. Ito’y upang ating madama ang Kanyang mapagpagaling na kapangyarihan at maibalik ang kalusugan ng ating katawan at kaluluwa.
© Copyright Pang Araw-Araw 2023





