Ebanghelyo: Marcos 6:1-6
Pagkaalis ni Jesus sa lugar na iyon, pumunta siya sa kanyang bayan, kasama ng kanyang mga alagad. Nang sumapit ang Araw ng Pahinga, nagsimula siyang magturo sa sinagoga. Namangha silang lahat at nagsabi: “Ano’t nangyari sa kanya ang lahat ng ito? Saan kaya galing ang karunu ngang ito na ipi nagkaloob sa kanya, at saan din kaya galing ang mga himalang ito na nagagawa ng kanyang mga kamay? Di ba’t siya ang karpintero? Ang anak ni Maria at kapatid nina Jaime, Jose, Simon at Judas? Hindi ba’t narito sa piling natin ang lahat niyang kapatid na babae?” At bulag sila tungkol sa kanya.
Sinabi naman sa kanila ni Jesus: “Sa kanyang sariling bayan lamang, sa sariling kamaganakan at sambahayan hinahamak ang isang propeta.” At hindi niya nakayang gumawa ng himala roon. Ilang may sakit lamang ang pinagaling niya sa pag papatong ng kamay. At namangha siya sa kawalan nila ng paniniwala.
Naglibot naman si Jesus sa mga nayon sa paligid sa kanyang pagtuturo.
Pagninilay
Kakilala nila si Jesus sa kanyang malalim na karunungan at kapangyarihang gumawa ng mga himala. Ngunit bakit kaya hindi niya magawa ang mga himala sa sarili niyang bayan? Ano ang kulang sa pagkilala nila kay Jesus? Ang pananampalataya ay hindi lamang pagpapahayag nito sa salita at pagtanggap sa katotohanan. Kalakip din nito ang pananalig at pagkilala sa pagka-Diyos ng Panginoon. Sa ebanghelyo, nakilala nila si Jesus sapagkat nakita nila ang kanyang paglaki bilang bahagi ng komunidad. Batid din nila ang kanyang mga turo at ginawang himala, ngunit hindi nila makita ang Diyos sa kanya. Hindi sila handang tanggapin na si Jesus ang anak ng Diyos na kapiling nila. At dahil dito, nagwika si Jesus na kulang ang kanilang pananampalataya dahil hindi sila nagtitiwala sa kanya. Sa ating pananampalataya kay Jesus, manalig tayo sa kanya upang ating maranasan ang kapangyarihan ng kanyang mga aral at malasap ang mga himalang kanyang gagawin sa ating buhay.
© Copyright Pang Araw-Araw 2023