Ebanghelyo: Mateo 10:37-42
Hindi karapat-dapat sa akin ang mas nagmamahal sa kanyang ama o ina kaysa akin. Hindi karapat-dapat sa akin ang mas nagmamahal sa kanyang anak kaysa akin. Hindi karapat-dapat sa akin at ang hindi nagpapasan ng kanyang krus at sumusunod sa akin. Ang nagpapaha laga sa kanyang sarili ang siyang mawawalan nito, at ang nawawalan naman ng kanyang sarili ang siyang makakatagpo nito.
Kung may tumatanggap sa inyo, tinatanggap din niya ako; at kung may tumatanggap sa akin, tinatanggap din niya ang nagsugo sa akin. Kung may tumanggap sa isang propeta dahil propeta ito, tatanggapin niya ang gantimpalang bagay sa isang propeta; kung may tumanggap sa isang mabuting tao dahil marangal ito, tatanggapin niya ang gantimpalang bagay sa isang mabuting tao. Kung may magpainom ng malamig na tubig sa isa sa maliliit na ito dahil sa alagad ko ito, sinasabi kong hindi siya mananatiling walang gantimpala.”
Pagninilay
Sabi sa isang awit, “Hindi madali ang pagsunod kay Kristo. Maraming tinik ang pagdaraanan. Mabigat ang krus na iyong papasanin at ang kamatayan ay naghihintay sa iyo.” Bakit kaya kasama sa buhay-Kristiyano ang sakripisyo at pag-aalay ng sarili? Dahil ba ito ang daan tungo sa kabanalan? Bilang mga tagasunod ni Jesus, hindi tayo makakaiwas sa mga paghihirap at pagsubok sa buhay. Ito’y dapat nating harapin nang may pananalig at pagpapakumbaba sa Panginoon. Tinuturuan tayo ni Jesus na maging matatag sa mga banta at pang-aapi. Tinuturuan tayo na maging mapagbigay kahit na makasarili ang iba. Tinuturuan tayo na sagipin ang mga nag-iisa, nangangailangan at hindi nabibigyang pansin. Ito ang pagpasan natin sa krus tungo sa daan ng kabanalan.
Nagpapaalala si San Pablo sa kanyang sulat sa mga taga-Roma na mula sa binyag, tayo’y namatay kasama ni Kristo upang tahakin ang bagong buhay. Isinilang tayo sa mundo na may bahid ng kasalanan; kaya, hinuhugasan tayo sa tubig ng binyag at tinatatakan tayo ng Espiritu Santo upang maging buhay na tanda ni Jesus sa sanlibutan. Ang ating pananampalataya kay Kristo ang nag-uudyok at nagpapatibay sa pagpasan natin sa krus upang magpatuloy at magtagumpay laban sa mga kasamaan ng mundo.
Tulad sa unang pagbasa, susuklian ng Panginoon ang pagsusumikap natin tungo sa kabanalan, na gaya ni Propeta Elisha ay binigyan nang mainam na pagmamay-ari ng bahay ng mayaman. Ang paghahandog ng sarili sa mga pagsasakripisyo ay pagpapalain ng Panginoon sapagkat silay’ nanatiling nananalig sa Kanya. Sa katapusan ng ating paglalakbay, ang pangako ng buhay na walang hanggan ay naghihintay sa atin; ang kapalit sa nagsusumikap na manatiling banal.
© Copyright Pang Araw-Araw 2023





