Ebanghelyo: Juan 1:45-51
Natagpuan ni Felipe si Natanael at sinabi nito sa kanya: “Ang tinukoy ni Moises na nakasulat sa Batas at Mga Propeta, natagpuan namin siya – si Jesus na anak ni Jose, na tagaNazaret.” Sinabi naman sa kanya ni Natanael: “May mabuti bang puwedeng manggaling sa Nazaret?” Sagot sa kanya ni Felipe: “Halika’t makikita mo.” Nakita ni Jesus si Natanael na palapit sa kanya at sinabi niya tungkol sa kanya: “Hayan, isang totoong Israelitang walang pagkukunwari.” Sinabi sa kanya ni Natanael: “Paano mo ako nakilala?” Sumagot sa kanya si Jesus: “Bago ka pa man tawagin ni Felipe, habang nasa ilalim ka ng punongigos, nakita na kita.” Sumagot si Natanael: “Rabbi, ikaw ang Anak ng Diyos, ikaw ang Hari ng Israel.” Sumagot si Jesus: Sinabi ko lang sa iyong nakita kita sa ilalim ng punongigos, at naniniwala ka na? Higit pa sa mga ito ang makikita mo.” At idinugtong ni Jesus: “Talagangtalagang sinasabi ko sa inyo, makikita ninyong bukas na ang langit at panhikpanaog sa Anak ng Tao ang mga anghel ng Diyos.”
Pagninilay
Kadalasan, kinikilala natin ang isang tao hinggil sa kanyang kasaysayan. Saan siya ipinanganak, sino o anong klase ng tao ang kanyang magulang. Ganito rin ang nangyari kay San Bartolome. Hindi agad siya naniwala sa sinabi ni Felipe tungkol kay Jesus dahil sa siya’y isa lamang Nazareno. Ngunit pagkakita niya kay Jesus, nagbago ang kanyang pananaw at pagkilala sa kanya. Sumunod siya kay Jesus. Isang tapat na anak ng Israel, ngunit naging alagad ni Jesus at isa sa mga piniling malapit na kaibigan bilang apostol. Ibinigay niya ang kanyang sarili bilang martir sa pagpapahayag ng Mabuting Balita sa Armenia. Humingi tayo ng biyaya tungo sa pagbabago sa bawat sandaling matutunghayan natin si Jesus, lalo na sa Salita at mga Sakramento. Gayundin, sa mga taong tumalikod sa Diyos upang manahan muli ang Panginoon sa kanila.
© Copyright Pang Araw-Araw 2023