Ebanghelyo: Mateo 22:34-40
Narinig ng mga Pariseo na napatahimik ni Jesus ang mga Sadduseo, at sumangayon sila sa kanya. Kaya sinubukan siya ng isa sa kanila na isang guro ng Batas sa tanong na ito: “Guro, ano ang pinakamahalagang utos ng Batas?” Sumagot si Jesus: “Mahalin mo ang Panginoon mong Diyos nang buo mong puso, nang buo mong kaluluwa at nang buo mong pagiisip. Ito ang una at pinakamahalagang utos. Ngunit may ikalawa pa na tulad nito: Mahalin mo ang iyong kapwa gaya ng iyong sarili. Sa dalawang utos na ito nabubuod ang buong Batas at Mga Propeta.”
Pagninilay
Sa homiliya ng isang ordinasyon, sinabi ni Obispo Julius S. Tonel, D.D., “kung walang pagibig sa iyong paglilingkod, tumigil na dahil mapapagod ka lang.” Kahit anong ating gawin kung ito’y para lamang sa pagsunod at walang pagibig, darating ang panahon na mapapagod tayo at hindi na mananatili. Sa Ebanghelyo, binigyan tayo ni Jesus nang bagong pangunawa sa mga batas. Mula sa pagsunod patungo sa pagibig! Ang karanasan ng isang magulang na bumabangon at nagsusumikap bawat araw para sa kanyang pamilya ay larawan ng pagibig. Ito’y nagdudulot ng lakas upang magpatuloy sa kabila ng mga suliranin sa buhay. Ganito rin ang nagudyok sa mga santong nanatiling tapat at matibay sa pagsaksi sa pananampalataya. Ito rin ang pagibig na nananahan mula sa paghahandog ni Jesus sa kanyang sarili para sa kaligtasan ng lahat. Sa pagibig nananahan ang kahulugan ng lahat!
© Copyright Pang Araw-Araw 2023