Ebanghelyo: Lucas 11:1-4
Isang araw, nananalangin si Jesus sa isang lugar at pagkatapos niya’y sinabi sa kanya ng isa sa kanyang mga alagad: “Panginoon, turuan mo kaming manalangin kung pa-anong tinuruan ni Juan ang kanyang mga alagad.” At sinabi ni Jesus sa kanila: “kung mananalangin kayo, sabihin ninyo: Ama, sambahin ang ngalan mo, dumating ang kaharian mo, bigyan mo kami araw-araw ng pagkaing kailangangkailangan naming, patawarin mo kami sa aming mga sala; tingnan mo’t pinatatawad din naming ang lahat ng may utang sa amin, at huwag mo kaming dalhin sa tukso.”
Pagninilay
“Ama namin…” Ang panalangin na itinuro ni Jesus ay nagsisimula sa pagkilala sa Diyos bilang ating Ama, at pagkilala din sa ating pagiging anak ng Diyos. Tinuruan talaga tayo ni Jesus na tawagin ang Diyos na ating “Ama” dahil kay Jesus tayo ay naging mga anak ng Diyos sa ating binyag. Ito ay isang dakilang regalo na, bagaman hindi karapat-dapat, ay nagbibigay sa atin ng karapatang tawagin ang Diyos na “Ama.” Samakatuwid, dapat nating isabuhay ang ating pagiging anak na nagtitiwala sa Diyos sa ating pang-araw-araw na pangangailangan, at upang tayo ay maging karapat-dapat na tumanggap ng kapatawaran sa ating mga kasalanan sa pamamagitan ng pagpapatawad din sa iba. Ang ating buhay ay magiging isang papuri rin sa Panginoon bilang kanyang mga anak sa katarungan, pag-ibig, at kapayapaan. Ipagmalaki natin ang ating pagiging anak ng Diyos!
© Copyright Pang Araw-Araw 2023





