Ebanghelyo: Lucas 18:9-14
Sinabi ni Jesus ang talinhagang ito tungkol sa ilang taong kumbinsido na mabuti sila at minamata naman ang iba: “Dalawang tao ang umakyat sa Templo para manalangin: Pariseo ang isa at publikano naman ang isa pa. Nakatayong nananalanging mag-isa ang Pariseo. Sinabi niya: ‘O Diyos, salamat at hindi ako gaya ng ibang mga tao—mga magnanakaw, mandaraya, nakikiapid, o gaya ng kolektor ng buwis na iyan. Dalawang beses akong nag-aayuno isang linggo, nagbibigay ako ng ikapu ng lahat kong ari-arian.’
“Nasa likuran naman ang kolektor ng buwis at hindi man lang makatingala sa langit. Dinadagukan niya ang dibdib sa pagsasabing ‘O Diyos, kaawaan mo ako na isang makasalanan.’
“Sinasabi ko sa inyo na ito ang umuwing nasa grasya ng Diyos ngunit hindi ang isa. Sapagkat ibababa ang lahat ng nagpapakataas at itataas naman ang nagpapakababa.”
Pagninilay
Nagtanong ang isang anak sa kanyang ina, “Kung mataas ba ang aking grado bibigyan mo ba ako ng premyo?” Tumugon ang ina, “Dapat lang na mataas ang iyong grado sapagkat nagsisikap akong mapagaral ka at responsibilidad mo ang maging maayos sa pagaaral.” Makatuwiran ang tugon ng ina. Bilang mga anak ng Diyos, marapat lamang na sumunod tayo sa kanyang mga utos. Hindi dapat na ipagmalaki ang mabubuting gawa sapagkat ito naman ang marapat gawin ng isang anak ng Diyos. Subalit dapat na humingi ng kapatawaran sa mga nagawa nating kamalian na hindi naaayon sa ating pagiging anak ng Diyos. Sa mapagpakumbabang pagtanggap sa ating mga pagkukulang at sa ating pagsisisi, binubuksan natin ang ating mga puso sa pagtanggap sa kapatawaran ng Diyos upang mapanumbalik natin ang pagiging kanyang anak. Ginantimpalaan na tayo ng grasya ng Panginoon, huwag nating sayangin ang biyayang ito na pagiging anak ng Diyos.
© Copyright Pang Araw-Araw 2023