Ebanghelyo: Mc 1: 29-39
Pagkaalis niya sa sinagoga, tumuloy si Jesus sa bahay nina Pedro at Andres, kasama sina Jaime at Juan. Doo’y nakahiga ang biyenan ni Pedro at may lagnat, at agad nila itong sinabi kay Jesus. Kaya lumapit siya, hinawakan ito sa kamay at ibinangon. Iniwan ng lagnat ang babae at ito mismo ang naglingkod sa kanila. Pagkalubog ng araw, nang dumidilim na, dinala nila kay Jesus ang lahat ng maysakit o inaalihan ng masasamang espiritu. Nasa may pintuan nga ang buong bayan. Maraming may iba’t ibang sakit ang pinagaling ni Jesus at maraming demonyo ang kanyang pinalayas; ngunit hindi niya sila pinahintulutang magsalita sapagkat alam nila kung sino siya. Kinabukasan, maaga siyang bumangon at umalis. Pumunta siya sa isang ilang na lugar at doon siya nanalangin. Hinanap siya nina Pedro, at pagkakita sa kanya ay kanilang sinabi: “Hinahanap ka ng lahat.” Ngunit sinabi niya sa kanila: “Tayo na sa ibang lugar, sa maliliit na karatig-nayon para makapangaral din ako roon; dahil dito kaya nga ako lumabas.” At naglibot siyang nangangaral sa kanilang mga sinagoga sa buong Galilea at nagpapalayas ng mga demonyo.
Pagninilay
Sabi ng isang awit “Laging may umagang kayganda.” Paano ba nagiging maganda ang umaga? Dahil ba sa mahimbing na tulog? O magandang gising? Sinasagot ng ebanghelyo ang tanong. Si Jesus ay may umagang kayganda sapagkat maaga siyang bumabangon upang manalangin. Bago niya isagawa ang kanyang misyon ay sumasangguni muna siya sa Ama. Kahit pagod ang Panginoon ay may panahon siya upang magdasal. Ano ang ating ginagawa pagkagising? Ano ang una nating tinitingnan at hinahawakan? Sa panahon ngayon ay cellular phone ang agad dadamputin pagmulat ng mga mata. Titinggan kung may text o chat ang kaibigan o minamahal. Tingin agad sa facebook at aalamin ang mga balita at pangyayari sa nakalipas na magdamag. Kaygandang pasimulan ang umaga sa pamamagitan ng panalangin. Ito ay pagtitipon ng bagong lakas. Ang sinumang lumuluhod sa Diyos sa pananalangin ay handang tumayo sa harap ninuman. Mahirap kapag walang panalangin. A man without prayer is like a tree without roots. Mabubuwal tayo kapag walang panalangin. Ang umaga at buong maghapon ay hindi magiging maganda.
© Copyright Pang Araw-Araw 2024





