Ebanghelyo: Mc 1: 40-45
Lumapit sa kanya ang isang mayketong at nakiusap sa kanya: “Kung gusto mo, mapalilinis mo ako.” Nahabag si Jesus sa kanya, iniunat ang kanyang kamay, hinipo siya at sinabi: “Gusto ko, luminis ka!” Nang oras ding iyon, iniwan ang lalaki ng kanyang ketong at luminis siya. Ngunit mahigpit siyang pinagbilinan ni Jesus sa kanyang pag-alis, sinabi niya: “Mag-ingat ka, huwag mo itong sabihin kaninuman, kundi pumunta ka sa pari para masuri ka niya at maialay alang-alang sa pagkalinis sa iyo ang handog na iniutos ni Moises upang magkaroon sila ng patunay.” Ngunit pagkaalis ng tao, sinimulan niyang ipahayag ito kahit saan at ipamalita ang pangyayaring ito. Dahil dito, hindi na lantarang makapasok sa bayan si Jesus kundi nanatili siya sa labas, sa mga ilang na lugar. Ngunit may dumarating pa rin sa kanya na kung saan-saan galing.
Pagninilay
Ayaw natin sa diktador. Ang lider na diktador ay pinapaalis sa posisyon. Mas mainam ang may pakiusap. Ganyan ang ketongin sa ebanghelyo. Napakahirap ng kanyang katatayuan. Palagi siyang lumalayo sa karamihan upang hindi makahawa. Gayunman ay hindi niya diniktahan si Jesus upang agad siyang pagalingin. ”Kung ibig po ninyo ay mapapagaling ninyo ako.” Madalas ay dinidiktahan natin ang Diyos kapag tayo ay nagdarasal. “Panginoon, pagalingin mo ang aking sakit. Bigyan mo ako ng trabaho. Baguhin mo ang ugali ng aking anak. Tapusin mo na ang problema namin.” Mas maayos ang dasal kapag iginalang natin ang pasya ng Diyos. “Kung kalooban mo ay gagaling ang aking karamdam. Kung nais mo ay magbabago ang aking asawa.”Alam naman ng Diyos ang ating kahihinatnan. May tamang panahon siya para ipagkaloob ang ating kahilingan. Palagi namang sumasagot ang Diyos. Minsan ay “oo” at minsan ay “hindi.” May pagkakataon ding ang sagot niya ay “Hintay.” Hinihintay niyang handa nga tayo para tanggapin iyon. Huwag na huwag nating pangungunahan ang Diyos. He knows what is best for us.
© Copyright Pang Araw-Araw 2024





