Ebanghelyo: Mc 7: 24-30
Pagkaalis sa lugar na iyon, lumayo si Jesus patungo sa hangganan ng Tiro. Pumasok siya roon sa isang bahay at kahit na ayaw niya itong malaman ninuman, hindi ito nalihim. May isang babaeng nakabalita tungkol sa kanya. Inaalihan ng maruming espiritu ang kanyang dalagita kaya pumunta siya at nagpatirapa sa kanyang paanan. Isa siyang paganong taga- Sirofenicia. At ipinakiusap niya kay Jesus na palayasin ang demonyo sa kanyang anak. Sinabi naman ni Jesus sa kanya: “Bayaan mo munang mabusog ang mga anak. Hindi tama na kunin ang tinapay sa mga bata at itapon ito sa mga tuta.” Sumagot ang babae: “Totoo nga, Ginoo, pero kinakain ng mga tuta sa ilalim ng mesa ang mga nalalaglag mula sa mga bata.” At sinabi sa kanya ni Jesus: “Dahil sa sinabi mong ito, lumabas na sa iyong anak na babae ang demonyo.” Kaya umuwi ang babae at nakita niya ang bata na nakahiga sa kama; lumabas na nga ang demonyo.
Pagninilay
Ang “ina” at “pagtitiyaga” ay palaging magkaugnay. Kalikasan ng babae lalo’t higit ng isang ina ang maging matiyaga sa gawain at sa panalangin. Pagnilayan natin ang pagiging ina at ang pagtitiyaga sa liwanag ng ebanghelyo para sa araw na ito. INA. Isang babaeng Hentil ang lumapit kay Jesus at ipinamanhik na palayasin ang demonyo na nasa kanyang anak. Sa simula ay hindi siya pinansin ni Jesus at waring inunsulto pa dahil tinawag siyang isang tuta. Gayunman ay hndi nasiraan ng loob ang babae alang-alang sa kanyang anak. Tunay na gagawin ng ina ang lahat-lahat para sa kapakanan ng kanyang anak. Hindi siya titigil hangga’t hindi napapabuti ng kalalagayan ng kanyang anak. Kay dakilang pagmamahal! PAGTITIYAGA. May kasabihang Filipino “Kapag may tiyaga, may nilaga.” Buong tiyagang nakiusap ang inang Sirofenica na palayasin ni Jesus ang demonyo sa kanyang anak. Hindi siya sumuko kailanman kahit pa siya ay makaramdam na parang minamaliit. Ganoon ang bunga ng matiyagang panalangin. May kasabihan pa ring Filipino, “Walang matimtimang birhen sa matiyagang manalangin.” Sa pagdarasal ay magtiyaga at maghintay tayo. Diringgin din ng Diyos ang ating mga kahilingan.
© Copyright Pang Araw-Araw 2024





