Ebanghelyo: Mt 26: 14-25
At pumunta sa mga punong-pari ang isa sa Labindalawa, ang tinatawag na Judas Iskariote, at sinabi: “Magkano ang ibibigay ninyo sa akin kung ibibigay ko siya sa inyo?” Inalok nila ito ng tatlumpung baryang pilak, at mula noon, naghanap ito ng pagkakataong maipagkanulo siya. Sa unang araw ng Piyesta ng Tinapay na Walang Lebadura, lumapit kay Jesus ang mga alagad at sinabi sa kanya: “Saan mo kami gustong maghanda ng Hapunang Pampaskuwa para sa iyo?” Sumagot si Jesus: “Puntahan ninyo ang lalaking ito sa lunsod at sabihin sa kanya: ‘Sinasabi ng Guro: malapit na ang oras ko at sa bahay mo ako magdiriwang ng Paskuwa kasama ng aking mga alagad’.” At ginawa ng mga alagad ang lahat ng iniutos ni Jesus at inihanda ang Paskuwa. Pagkalubog ng araw, nasa hapag si Jesus kasama ng Labindalawa. Habang kumakain sila, sinabi ni Jesus: “Talagang sinasabi ko sa inyo: ipagkakanulo ako ng isa sa inyo.” Lubha silang nalungkot at nagtanong ang bawat isa: “Ako ba, Panginoon?” Sumagot siya: “Ang kasabay kong nagsawsaw ng tinapay sa plato ang magkakanulo sa akin. Patuloy sa kanyang daan ang Anak ng Tao ayon sa isinulat tungkol sa kanya ngunit kawawa ang nagkakanulo sa Anak ng Tao; mas mabuti pa para sa taong ito kung hindi na siya ipinanganak pa.” Nagtanong din si Judas na magkakanulo sa kanya: “Ako ba, Guro?” Sumagot si Jesus: “Ikaw na ang nagsabi.”
Pagninilay
Ginagamit ang salitang “nasilaw” sa masamang paraan. Halimbawa, ang isang tao ay “nasilaw” sa kapangyarihan kaya nagbago siya ng pakikitungo sa iba nang tumaas ang kanyang posisyon sa lipunan. “Nasilaw” ang isang tao sa kayamanan, kaya mas pinili niyang magkamal ng malaking halaga kahit man makuha niya ito sa maling paraan. Si Judas Iscariote ay “nasilaw” sa kayamanan. Ipinagpalit niya si Jesus sa tatlumpung baryang pilak. Sa maikling panahon, binalewala niya ang tatlong taong pagsasama nila ni Jesus, siya, bilang isa sa Kanyang mga hinirang na apostol. Mas pinakinggan niya ang udyok ng mga kumakalaban kay Jesus kaysa sa Kanyang mga pangaral. Isa siyang traydor. Marahil, marami ang may negatibong pagtingin kay Judas Iscariote. Para sa kanila, kakambal na ng kanyang pangalan ang salitang taksil at mga katumbas nito. Mainam na pagnilayan sa araw na ito na tinatawag ding “Spy Wednesday” kung paano tayo namumuhay bilang mga tagasunod ni Jesus. Totoong tayo’y nakikinig sa Kanyang salita. Pero, hindi ba’t ang paggawa ng mga kasalanan ay pagtataksil din sa Kanya? Huwag sana tayong “masilaw” sa mga pamamaraan ng mundo. Palagi nating piliin natin si Jesus.
© Copyright Pang Araw-Araw 2024