Ebanghelyo: Mc 16: 9-15
Pagkabuhay ni Jesus sa unang araw ng sanlinggo, una siyang napakita kay Maria Magdalena na mula rito’y pitong demonyo ang pinalayas niya. Umalis ito at nagbalita sa mga kasama ni Jesus na noo’y umiiyak at nagluluksa. Ngunit hindi sila naniwala sa kanya nang marinig nilang buhay si Jesus at napakita sa kanya. Pagkatapos nito, napakita naman si Jesus sa ibang anyo sa dalawa sa kanila habang pa-punta sila sa labas ng bayan. At pagbalik nila, ibinalita rin nila ito sa iba pa pero hindi rin naniwala ang mga ito sa kanila. Sa dakong huli, nang nasa hapag ang Labing-isa, napakita sa kanila si Jesus at pinagsabihan sila dahil sa kawalangpaniwala nila at katigasan ng puso: hindi nga nila pinaniniwalaan ang mga nakakita sa kanya matapos siyang buhayin. At sinabi sa kanila: “Pumunta kayo sa buong daigdig at ipahayag ang ebanghelyo sa buong sangkinapal.”
Pagninilay
“Nagpakita sa kanila si Jesus at pinagsabihan sila dahil sa kanilang
kawalang- paniniwala at katigasan ng puso…” Maging ang katigasan ng puso ng mga disipulo ni Jesus na maniwala sa mga ikinuwento sa kanila ng unang nakakakita sa Kanyang Muling Pagkabuhay ay naunawaan Niya! Bakit naman kaya hindi sa kanila Siya unang nagpakita? Sila na matagal Niyang nakasama at katuwang sa kanyang pagtuturo, at masasabi nating mas malapit sila sa Kanya! Marahil, nais ni Jesus na tingnan at subukan kung gaano kalalim ang kanilang paniniwala sa mga tinuturo Niya. At kahit ganun pa man ang kanilang nagging pagtugon, nagpakita Siya sa kanila upang isugo sila sa buong sanlibutan at ipahayag
ang Ebanghelyo! Kaya kung ikaw ay pinili ni Jesus, hindi Siya magaatubiling himukin ka at palambutin ang iyong puso alang-alang sa Ebanghelyo! Ang pagtugon sa tawag ng Panginoon ay isang banal na prebilihiyo na hindi nakabatay sa anumang estado, katangian at kahusayan ng tao.
© Copyright Pang Araw-Araw 2024





