Ebanghelyo: Jn 3: 31-36
Walang kapantay ang naparirito mula sa itaas. Makalupa naman ang mula sa lupa at makalupa rin ang sinasabi niya. Walang kapantay ang naparirito mula sa langit. Pinatutunayan niya ang kanyang nakita at narinig ngunit wala ngang tumatanggap sa kanyang patunay. Pinagtibay naman ng tumanggap sa kanyang patunay na totoo ang Diyos. Sinasabi nga ng sinugo ng Diyos ang mga salita ng Diyos sapagkat walang sukat na ibinibigay sa kanya ang Espiritu. Mahal nga ng Ama ang Anak, at ipinagkatiwala sa kanyang mga kamay ang lahat. May buhay magpakailanman ang nananalig sa Anak. Hindi naman nakikita ng ayaw manalig sa Anak ang buhay kundi namamalagi sa kanya ang galit ng Diyos.
Pagninilay
Kung pakikinggan natin ang diwa ng mga salita sa Ebanghelyo, mararamdaman natin ang panghihinayang ni Jesus sa hindi pagtanggap ng tao sa Kanya at sa Kanyang handog na wagas na pagmamahal. Gayun pa man, nirerespeto Niya ang ating kalayaan. Hindi tayo pinipilit kahit pa nais ni Jesus na mabigyan tayo ng totoong kaligayahan at buhay kasama sa Kanyang Kaharian. Tayo’y hinahayaan Niyng magpasya kung paano natin Siya tanggapin at susundin. Inihahayag din ni Jesus ang bawat panig ng ating pagpili at ang kahihinatnan nito upang makapagpasya tayo ng mabuti. Ang tunay na pag-ibig ay nagbibigay ng kalayaan. Lahat tayo, bilang mga anak ng Diyos, ay binigyan ng biyaya ng Espiritu Santo. Ang nananatili sa liwanag ng Espiritu Santo ang siyang nakakaunawa at tumatanggap kay Jesus at Kanyang mga turo. Ipanalangin natin na manahan sa atin ang Espiritu Santo at patatagin ang ating pananalig kay Jesus upang maangkin natin ang Kanyang handog na kapayapaan, kasaganahan at pagmamahal. Nawa’y mamuhay tayo ayon sa Kanyang banal na kalooban upang maging saksi ng Kanyang pagmamahal at pagpapatawad.
© Copyright Pang Araw-Araw 2024