Ebanghelyo: Mt 5: 13-16
Kayo ang asin ng mundo. Ngunit kung mawalan ng lasa ang asin, paano pa ito mapaaalat na muli? Wala na itong silbi. Itatapon na lamang at tatapakan ng mga tao. Kayo ang ilaw ng mundo. Hindi maitatago ang lunsod na itinayo sa tuktok ng bundok. Hindi rin sinisindihan ang ilaw para takpan ng kahon, sa halip ay inilalagay ito sa isang lampara at tumatanglaw sa lahat ng nasa bahay. Gayundin naman ang inyong liwanag sa paningin ng mga tao; at makikita nila ang inyong mabubuting gawain at pupurihin nila ang inyong Amang nasa langit.
Pagninilay
Sa paanong paraan maaaring maging asin at ilaw ang buhay natin bilang mga Kristiyano? Tulad ng asin, na maituturing isa sa mga pangunahing sangkap ng pagkain, ang buhay natin bilang mga Kristiyano na tagasunod ni Jesus at mga bininyagan na nakikibahagi sa Kanyang banal na kalikasan at pinuno ng Espiritu Santo, ay isang pangunahing sangkap din na maaaring magbigay lasa at ilaw sa mundo. Sa pamamagitan ng mabubuting gawa, mapagpakumbabang pakikitungo sa ating kapwa, at pag-unawa at pagpapatawad, nagiging daan tayo upang ang mga nababalot sa kadilim at nalulumbay ay mabigyan ng pag-asa. Sa ganitong paraan, tayo’y nagiging asin at ilaw ng mundo. Tingnan natin ang ating mga sarili. Ano ba ang ating mga ginagawa at anong klaseng pamumuhay meron tayo bilang Kristiyano. Tayo ba ay “Life-giving” sa ating mga pananalita at gawa para sa mga tao sa ating paligid? Sa ating pamilya, sa mga katrabaho, sa Simbahan o sa ating mga kaibigan at maging sa ating komunidad?
© Copyright Pang Araw-Araw 2024