Ebanghelyo: Mt 5: 17-19
Huwag ninyong akalain na naparito ako para pawalang-bisa ang Batas at Mga Propeta. Naparito ako hindi para magpawalang- bisa kundi upang magbigaykaganapan. At talagang sinasabi ko sa inyo: habang hindi nababago ang langit at lupa, hindi mababago ni isang kudlit o kuwit ng Batas: lahat ay matutupad. Kung may lumabag sa pinakamaliit na ipinag-uutos ng Batas at magturo ng ganoon sa mga tao, ituturing din siyang pinakamaliit sa Kaharian ng Langit. Ngunit kung may magsagawa at magturo ng mga ito sa mga tao, magiging dakila siya sa Kaharian ng Langit
Pagninilay
Mal iwanag ang pinahayag ni Jesus, ang Kanyang layunin sa mundo ay upang maisakatuparan kung ano ang nakasaad sa Kasulatan. Ito ay ang pangako ng Diyos na ipadadala Niya ang isang tagapagligtas. Mas pinatatag Niya ang Batas at hindi pinagwalang-bisa. Ayon pa sa Kanya, hinding hindi ito mababago. Hanggang ngayon pareho pa rin ang pinapatupad na Kautusan. Hindi ito maaaring baguhin para lang matugunan ang ating mga kapritso. Kahit ano man ang sabihin ng tao o anong paninira ang gawin natin tungkol sa batas dahil sumasalungat ito sa nais nating gawin, ganoon pa rin ang bisa nito. Hingin natin ang gabay ni Jesus, na sa pamamagitan ng Espiritu Santo maging matatag tayo sa pagsunod ng tamang landas. Kung nais nating maging dakila sa Kaharian ng Langit, kahit mangmang ang turing sa atin ng mundo, isabuhay natin ang kanyang mga atas at salita.
© Copyright Pang Araw-Araw 2024