Ebanghelyo: Mt 10: 7-15
Ipahayag ang mensaheng ito sa inyong paglalakbay: ‘Palapit na ang kaharian ng Langit.’ Pagalingin ang maysakit, buhayin ang patay, linisin ang mga mayketong at palayasin ang mga demonyo. Tinanggap ninyo ito nang walang bayad kaya ibigay rin ninyo nang walang bayad. Huwag magdala ng ginto, pilak o pera sa inyong mga bulsa. Huwag magdala ng balutan o sobrang damit o sandalyas o tungkod, sapagkat may karapatan ang manggagawa sa kanyang ikabubuhay. Pagdating ninyo sa isang bayan o baryo, maghanap ng isang taong karapat-dapat at makituloy sa kanya hanggang sa inyong pag-alis. Pagpasok ninyo sa isang tahanan, dasalan ito ng kapayapaan. Kung karapatdapat ang sambahayang ito, sasakanila ang kapayapaang dinasal ninyo; kung hindi naman karapat-dapat, babalik sa inyo ang inyong dasal. At kung may bahay o bayang hindi tatanggap sa inyo o makikinig sa inyong mga salita, lumabas sa bahay o bayang iyon at ipagpag ang alikabok sa inyong mga paa. Sinasabi ko sa inyo, mas magiging magaan pa sa araw ng paghuhukom para sa mga taga-Sodom at Gomorra kaysa bayang iyon
Pagninilay
Ang pagiging “spoiled brat” o “laki sa layaw” ay nagiging ugat ng maraming suliranin hindi lang sa tao mismo, pati na rin sa mga taong madalas niyang pinakikitunguhan. Ang batang pinalaking kulang sa disiplina at wastong paggabay ay madalas na nagkakaroon ng mga “attitude problems”, tulad ng pagiging “feeling entitled.” Ang ganitong mga tao ay may pakiramdam na karapatan niya ang espesyal na posisyon, benepisyo, o karangalan dahil siya ay bukod tangi at nakaangat sa iba. Mahirap pakisamahan ang taong pinalaki sa maling pag-iisip na siya ay masyadong espesyal at ang mundo ay umiikot sa kanya kaya dapat siyang pagsilbihan ng iba. Ang bayang Israel ay hinivcrang ng Diyos at minahal ng lubos subalit sa paglipas ng kasaysayan, ito ay maituturing na laki sa layaw na anak ng Diyos. Habang tinatawag ng Diyos ang Israel, ito ay mas lalong lumayo at piniling maglingkod sa mga diyosdiyosan. Hindi nagpadala sa galit ang Diyos sa bansang Israel at ito ay ilang beses napatawad at binigyan ng pagkakataong magbago. Ayon sa Ebanghelyo ni San Mateo, may araw pa rin ng paghuhukom na kung saan ang pagtanggap o hindi pagtanggap sa alok ng Diyos ay may tamang katapat sa Kanyang Kaharian.
© Copyright Pang Araw-araw 2024





