Ebanghelyo: Mc 6: 17-29
Si Herodes nga ang nagpahuli kay Juan, at ipinakadena ito sa kulungan dahil kay Herodias na asawa ng kanyang kapatid na si Felipe. Pinakasalan ni Herodes si Herodias at sinabi ni Juan kay Herodes: “Hindi mo puwedeng kasamahin ang asawa ng iyong kapatid.” Talaga ngang matindi ang galit ni Herodias kay Juan at gusto niya itong patayin pero hindi niya magawa. Iginagalang nga ni Herodes si Juan dahil itinuturing niya itong mabuti at banal na tao, kaya pinanatili niya itong buhay. Nalilito siya matapos makinig kay Juan, gayunma’y gusto pa rin niyang marinig ito. At nagkaroon ng pagkakataon sa kaarawan ni Herodes nang maghanda siya para sa kanyang mga opisyal, mga pinuno ng hukbo at mahalagang tao ng Galilea. Pagpasok ng anak ni Herodias, nagsayaw ito at nasiyahan naman sa kanya si Herodes at lahat ng nasa handaan. Sinabi ng hari sa dalagita: “Ibibigay ko sa iyo ang anumang hingin mo.” At sinumpaan pa niya ang pangakong ito: “Ibibigay ko sa iyo ang anumang hingin mo, kahit na ang kalahati ng aking kaharian.” Lumabas ang anak at tinanong ang kanyang ina: “Ano ang hihingin ko?” At sumagot naman ito: “Ang ulo ni Juan Bautista.” Agad niyang pinuntahan ang hari at sinabi: “Gusto kong ibigay mo agad sa akin ang ulo ni Juan Bautista sa isang bandeha.” Nabalisa ang hari ngunit ayaw niyang tumanggi dahil sa sinumpaan niyang pangako sa harap ng mga bisita. Kaya iniutos ng hari sa isa niyang guwardiya na dalhin ang ulo ni Juan. Pinugutan nito si Juan sa kulungan, inilagay sa isang bandeha ang kanyang ulo, ibinigay sa dalaga, at ibinigay naman ito ng dalaga sa kanyang ina. Nang mabalitaan ito ng mga alagad ni Juan, dumating sila para kunin ang kanyang katawan at inilibing.
Pagninilay
May mga tao na hindi takot mamatay at handang ialay o ibuwis ang kanilang buhay para sa kanilang minamahal o pinaglilingkuran. Ganitong uri ng diwa ang hinahanap ng marami para manilbihan bilang kawal o sundalo ng bayan. Subalit, kakaunti ang ganitong klaseng tao. Tila sadyang mas marami ang takot mamatay at takot sa anumang klase ng karanasan na may kaakibat na sakit at pagdurusang pisikal. Ang pagbibigay pugay at parangal ng Simbahang Katolika para sa pagpapakasakit ng tagapag binyag na si San Juan ay karapat-dapat lamang. Siya ang napakagandang huwaran ng isang tao na walang takot na hinarap ang lahat na kailangang gawin para matupad ang misyon na ibinigay sa kanya ng Diyos. Namuhay siya ng payak. Ang buong buhay niya ay nakatuon sa panghihikayat sa tao na magbalik-loob at magpabinyag sa ngalan ni Jesus. Matapang niyang ipinahayag ang katotohanan sa imoralidad na buhay ni Haring Herodes. Hindi naging hadlang ang kulungan para patuloy niyang ipahayag ang Mabuting Balita. Sa kahulihulihan, pinugutan siya ng ulo at naging martir ng simbahan. Mabasbasan nawa tayo ng Espiritu ni Juan Bautista upang magkaroon tayo ng sapat na tapang at lakas upang magampanan ang misyon natin bilang tagasunod ni Jesus.
© Copyright Pang Araw-Araw 2024