Ebanghelyo: Lc 4: 38-44
Pag-alis niya sa sinagoga, nagpunta si Jesus sa bahay ni Simon. Inaapoy ng lagnat ang biyenang babae ni Simon. Kayat pinakiusapan nila si Jesus tungkol sa kanya. Pagkayuko ni Jesus sa kanya, inutusan ni Jesus ang lagnat at nilisan siya nito. Kaagad siyang tumindig para maglingkod sa kanila. Paglubog ng araw, dinala naman kay Jesus ng lahat ng tao ang kasama nilang mga may sakit ng iba’t ibang karamdaman. Ipinatong niya ang kanyang mga kamay sa bawat isa sa kanila at pinagaling sila. Lumabas ang mga demonyo mula sa maraming tao at pasigaw na sinabi ng mga ito: “Ikaw ang Anak ng Diyos!” Ngunit pinatatahimik niya sila at di pinahihintulutang magsalita dahil alam ng mga ito na siya ang Mesiyas. Nang mag-uumaga na, lumabas si Jesus at pumunta sa isang ilang na lugar. Ngunit pinaghahanap siya ng maraming tao, at nang matagpuan siya’y sinikap nilang hadlangan na makaalis pa siya sa kanila. Pero sinabi niya sa kanila: “Dapat ko ring ipahayag ang mabuting balita ng paghahari ng Diyos sa iba pang mga bayan; ito ang dahilan kung bakit ako isinugo.” At nagpatuloy siyang mangaral sa mga sinagoga ng Judea.
Pagninilay
Ibang-iba na talaga ang kalakaran sa mundo ngayon. Dahil sa mabilis na pagbabago sa larangan ng teknolohiya at komunikasyon, napakaraming mga tao ang kumikita, yumayaman, at umaangat sa buhay sa paggamit ng iba’tibang aplikasyon sa social media. Iba’t-ibang pamamaraan para magkasalapi. Gayun pa man, tila yata pare-pareho na ang lahat ng mga aplikasyon, bilang ng mga nanonood o sumasabay ang basehan ng kita. Dahil dito, hindi na nakakapagtaka na napakaraming vloggers, content creators, reelers, YouTubers, atbp. Ginagawa nila ang anumang uri ng gawain upang maging sikat at dumami ang followers, viewers, likers at subscribers. Sa panahon ngayon, ito na ang makamundo o makalupang pamamaraan ng pagkita na tanggap na ng karamihan. Naiiba talaga si Jesus. Sa panahong nandito siya sa mundo, hindi katanyagan at kasikatan ang nag-udyok sa Kanya upang gawin ang mga bagay na may kinalaman sa kaginhawaan at kaligtasan ng tao. Pinatahimik Niya ang mga maruruming espiritu at demonyo sa pagsigaw nila sa tunay Niyang pagkatao. Mas nanguna kay Jesus ang pagtalima sa kalooban ng Diyos at paggawa ng misyon na tinanggap Niya mula sa Kanyang Ama. Hindi kasikatan ang habol ni Jesus kundi katapatan sa kalooban ng Diyos Ama.
© Copyright Pang Araw-Araw 2024