Ebanghelyo: Lc 13: 1-9
Dumating naman ang ilang tao na nagbalita kay Jesus ng nangyari sa Templo. Ipinapatay nga ni Pilato ang mga taga- Galilea at nahalo ang kanilang dugo sa mga handog nila. Sinabi ni Jesus sa kanila: “Sa akala ba ninyo’y mas makasalanan ang mga taga-Galileang iyon kaysa lahat ng mga taga-Galilea dahil sila ang nagdusa? Hindi. At sinasabi ko sa inyo: kung hindi kayo magbabago, mapapahamak din kayong lahat. Gayon din naman sa namatay na labingwalong taong nabagsakan ng tore sa Siloe, sa akala ba ninyo’y mas may utang sila sa Diyos kaysa lahat ng naninirahan sa Jerusalem? Sinasabi ko: hindi, pero kung hindi kayo magbabago, mapapahamak din kayong lahat.” At sinabi ni Jesus ang talinhagang ito: “May taong may isang puno ng igos sa kanyang ubasan. At pumunta siya para maghanap ng mga bunga pero wala siyang nakita. Kaya sinabi niya sa nagaalaga ng ubasan: ‘Tatlong taon na akong pumaparito sa paghahanap ng mga bunga sa punong-igos na iyan at wala akong nakita. Putulin mo iyan at pampasikip lang sa lupa.’ Ngunit sumagot sa kanya ang tauhan: ‘Ginoo, pabayaan mo na siya ngayong taon. Maghuhukay ako sa paligid nito at lalagyan ng pataba. Baka sakaling mamunga siya ngunit kung hindi’y saka mo siya putulin.”
Pagninilay
Sa ebanghelyo, tila iniuugnay ng mga Hudyo ang hindi magandang pangyayari o kamalasan sa buhay ng tao bilang kaparusahan o karma para sa mga maling nagawa. Tahasang kinondena ni Jesus ang ganitong uri nang pagiisip at pinagsabihan sila na magbago. Hindi na nga bago sa atin na kapag may hindi magandang nangyari sa isang tao, sinasabi nating siya’y nakarma. Ang isang masamang kaganapan ay itinuturing na mula sa masasamang aksyon sa buhay o sa nakaraang buhay ng tao. Ganito rin ang kaisipan ng ilang mga Hudyo na tahasang kinondena ni Jesus at pinaalalahanan sila na mapapahamak kung hindi sila magbabago.
Sa talinhaga sa ebanghelyo, pinamalas kung paano ang tao ay laging hinihintay ng Diyos na magsisi at magbago o magbalik-loob. Ang mga magsasaka, upang masigurado ang pagyabong ng kanilang mga pananim, ay naglalagay ng pataba sa paligid ng halaman. Ganito sila katiyaga upang mapayabong ang kanilang mga pananim. Ang Diyos din naman ay binibigyan ang tao ng sapat na panahon at lakas ng loob upang magsisi at itama ang ating sariling mga pagkakamali. Nawa’y huwag nating sayangin ang mga pagkakataong ipinagkakaloob sa atin ng Diyos.
© Copyright Pang Araw – araw 2024




