Ebanghelyo: Lc 13: 18-21
Sinabi pa ni Jesus: “Ano ang katulad ng kaharian ng Diyos? Sa ano ito maikukumpara? Tulad ito sa buto ng mustasa na kinuha ng isang tao at itinanim sa kanyang hardin: lumaki, naging parang puno at sumisilong sa kanyang mga sanga ang mga ibon ng langit.“ At sinabi niya uli: “Sa ano ko ikukumpara ang kaharian ng Diyos? Katulad ito ng lebadura na kinuha ng isang babae at ibinaon sa tatlong takal ng harina hanggang umalsa ang buong masa.“
Pagninilay
Sa ebanghelyo, ikinumpara ni Jesus ang kaharian ng Diyos sa buto ng isang mustasa na lumaki, naging puno at sumilong sa kanyang mga sanga ang mga ibon ng langit. Ito rin ay inihambing ni sa lebadura na inihalo sa harina hanggang umalsa ang buong masa. Ganito rin naman maikukumpara natin ang ating pananampalataya sa Diyos. Ang buto ng mustasa at pampaalsa ay tumutukoy o sumisimbolo sa dakilang paglago ng ating buhay pananampalataya . Inaasahan na sa pagdaan ng panahon, sa gabay ng Kanyang Espiritu at patnubay ng Diyos, ang munti nating pananampalataya ay patuloy na lalago at magbubunga. At ganito rin naman lumalago ang Kaharian ng Diyos. Hindi natin minsan namamalayan, ngunit ang Diyos ay patuloy na kumilos sa ating buhay at pinagyayaman tayo.
© Copyright Pang Araw-araw 2024




