Ebanghelyo: Lc 13: 22-30
Dumaan si Jesus sa mga lunsod at mga nayon, na nagangaral habang papunta siya sa Jerusalem. May nagtanong sa kanya: “Panginoon, kakaunti nga ba ang maliligtas?“ At sinabi ni Jesus sa mga tao: “Magpumilit kayong pumasok sa makipot na pintuan sapagkat sinasabi ko sa inyo: marami ang gustong pumasok at di makapapasok. Kapag tumindig na ang mayari ng bahay at naisara na ang pinto, tatayo kayo sa labas na kumakatok at magsasabing ‘Panginoon, buksan mo kami.’ Sasagot naman siya sa inyo: ‘Hindi ko alam kung taga-saan kayo.’ Kaya sasabihin ninyo: ‘Kami ang kumain at uminom na kasalo mo, at sa aming mga lansangan ka nangaral.’ Pero sasagutin niya kayo: ‘Hindi ko alam kung tagasaan kayo. Lumayo sa akin, kayong mga gumagawa ng masama.’ Naroon ang iyakan at pagngangalit ng mga ngipin pagkakita ninyo kina Abraham, Isaac, Jacob at sa lahat ng propeta sa kaharian ng Diyos, at ipagtatabuyan naman kayo sa labas. At makikisalo naman sa Kaharian ng Diyos ang mga darating mula sa silangan, kanluran, timog at hilaga. Oo, may mga huli ngayon na mauuna at may mga una na mahuhuli.“
Pagninilay
Muling gumamit si Jesus ng simbolismo upang paalahahanan tayo na magsikap na suongin at harapin ang mga pagsubok at tukso na dumarating sa ating buhay. Ang imahe ng makipot na pintuan ay isang paalala na hindi madali ang pagsunod kay Jesus at pagpasok sa Kaharian ng Diyos. Kaya mahalaga ang pagkakaroon ng bukas na puso at kahandaan sa pakikinig sa Kanyang Salita, na sinasabayan ng pagsasakatuparan o pagsasabuhay nito. Sa pang araw araw nating pamumuhay, hilingin natin sa Panginoon na pagkalooban niya tayo ng biyaya na Siya’y mas makilala at maunawaan ang Kanyang mga salita. Tayo ay magtiwala sa Panginoon at hayaan ang biyaya ng Kanyang pagibig na gumalaw sa ating buhay. Kung nais nating makapasok sa makipot na pinto, bukasan natin ang pinto ng ating puso para sa Panginoon.
© Copyright Pang Araw-araw 2024




