Ebanghelyo: Juan 6:1-15
Pagkatapos nito, nagpunta si Jesus sa kabilang ibayo ng dagat ng Galilea sa may Tiberias. Sinusundan siya ng makapal na tao dahil napansin nila ang mga tandang ginagawa niya sa mga maysakit. Umahon si Jesus sa bundok at naupo siya roon kasama ang kanyang mga alagad. Malapit na ang Paskuwa na piyesta ng mga Judio. Kaya pagkatunghay ni Jesus at pagkakita niyang marami ang taong pumupunta sa kanya, sinabi niya kay Felipe: “Saan kayo makabibili ng tinapay para makakain ang mga ito?” Sinabi niya ito bilang pagsubok sa kanya dahil alam na niya kung ano ang napipinto niyang gawin. Sumagot sa kanya si Felipe: “Dalawandaang denaryong tinapay ay hindi sapat sa kanila para makakuha ng tigkakaunti ang bawat isa.” At sinabi naman sa kanya ng isa sa kanyang mga alagad na si Andres na kapatid ni Simon Pedro: “May maliit na bata rito na may limang tinapay na sebada at dalawang isda. Ano ito para sa pagkarami-raming tao?” Madamo sa lugar na iyon kaya sinabi ni Jesus: “Paupuin n’yo ang mga tao.” Kaya nag-upuan sila, halos limanlibo ang mga lalaki. Kaya kinuha ni Jesus ang mga tinapay at pagkapagpasalamat, at ipinabigay sa mga nakaupo. Gayundin naman sa mga isda gaano man ang gustuhin nila. Nang busog na sila, sinabi niya sa kanyang mga alagad: “Tipunin ninyo ang natirang mga piraso para walang masayang.” Kaya tinipon nila ang mga tira ng mga pinakain, at labindalawang bakol ang napuno ng mga pira-piraso mula sa limang tinapay na sebada. Pagkakita sa tandang ginawa ni Jesus, sinabi ng mga tao: “Ito ngang talaga ang Propeta parating sa mundo.” At alam ni Jesus na parating sila upang agawin siya para gawing hari kaya lumigpit siyang muli na siya lamang mag-isa sa bulubundukin.
Pagninilay
“Saan tayo dinadala ng ating mga hangarin?” Ibang iba ang “values” o pagpapahalaga ng mundo sa pagpapahalaga ng ebanghelyo. Ang makamundong pagpapahalaga ay nagtutulak sa tao na maghangad
ng katanyagan, kapangyarihan, at kayamanan. Gagawin niya ang
lahat, gagamitin ang pera, dahas, at impluwensya upang maluklok sa pwesto, ang maging hari o maghari-harian. Subalit kabaligtaran nito ang mga “values” o pagpapahalaga ayon sa Ebanghelyo. Sa gitna ng kanyang katanyagan, kasikatan, at paglawak ng impluwesya dahil sa mga kahanga-hangang bagay na kanyang ginagawa tulad ng pagpaparami ng tinapay, gusto siyang gawing hari ng mga hudyo. Subalit dahil batid niya ang kanilang balak, siya mismo ang umalis, umiwas at tumanggi sa pinag-aagawan ng mundo. Ganito rin ang ipinamana niyang pagpapahalaga sa mga alagad. Hindi nila hangad ang palakpak at pagtanggap ng mga nasa katungkulan. Mas pinili nilang magtiis ng hirap at sakit alang alang sa ebanghelyo. Sa harap ng tukso, hatak, at impluwensya ng mundo, inaanyayahan tayo ng Mabuting Balita na maging mapagmalay sa nangyayari sa ating kalooban. Saan tayo dinadala ng ating mga damdamin at hangarin? Sa mga “values” ba o pagpapahalaga ng Ebanghelyo o sa mga pagpapahalaga ng mundo?
© Copyright Pang Araw-araw 2025