Ebanghelyo: Juan 6:22-29
Kinabukasan napuna ng mga taong nakatayo sa kabilang ibayo ng dagat na dati’y walang ibang bangka doon kundi isa lang at hindi sumakay sa bangka kasama ng kanyang mga alagad si Jesus kundi ang kanyang mga alagad lamang ang magkakasamang umalis. May iba namang malalaking bangkang galing Tiberias na dumating malapit sa lugar na kinainan nila ng tinapay pagkapagpasalamat ng Panginoon. Kaya nang mapuna ng mga tao na wala roon si Jesus ni ang kanyang mga alagad, sumakay sila sa mga bangka at nagpa- Capernaum sa paghanap kay Jesus. Nang matagpuan nila siya sa kabilang ibayo ng dagat, sinabi nila sa kanya, “Rabbi, kailan ka dumating?” Sumagot sa kanila si Jesus at sinabi: “Talagang-talagang sinasabi ko sa inyo, hinahanap n’yo ako hindi dahil sa nakita n’yo sa pamamagitan ng mga tanda kundi dahil sa tinapay na kinain n’yo at nabusog kayo. Magtrabaho kayo, hindi nga para sa pagkaing nasisira kundi para sa pagkaing namamalagi hanggang buhay na magpakailanman. Ito ang ibibigay sa inyo ng Anak ng Tao, siya nga ang tinatakan ng Diyos Ama.” Kaya sinabi nila sa kanya: “Ano ang matatrabaho namin para maisagawa ang mga gawa ng Diyos?” Sumagot si Jesus at sinabi sa kanila: “Ito ang gawa ng Diyos: patuloy kayong manalig sa sinugo niya.”
Pagninilay
“Guro kailan ka dumating?” Noong nabubuhay pa si Fr. Edwin Agapay, pari ng Prelatura ng Infanta, sa tuwing dadalaw siya sa Karmelo galing sa seminaryo sa Quezon City, may pasalubong siya na pandesal ng “Pan de Manila.” Minsan, sa tuwa, sinabi ko, “Thank you, Father. I love you!” Pabiro siyang sumagot, “Ikaw naman Dulce, ang gusto mo lang naman sa akin ay ang dala kong pandesal.” At humagalpak kami ng tawa. “Guro kailan ka dumating?” Ito ang tanong ng mga tao kay Jesus. Batid ni Jesus na hindi talaga siya o ang mabuting balita ang kanilang binabalikan kundi ang tinapay na bumusog sa kanila. Tunay nga na maraming pagkakataon
sa ating buhay na sumusunod tayo kay Jesus hindi dahil mismo sa kanya kundi dahil sa nakukuha natin sa kanya. Kapag may hinihingi tayo sa Diyos, masigasig tayong manalangin, magsimba, magnobena. Pagnakuha na natin ang ating hinihiling, “busy busyhan” na naman. Tamad magsimba. Maraming dahilan. Pero saludo ako pagsunod ni San Esteban sa Panginoon, bagamat pawang pag-uusig ang kanyang nakuha, nagpatuloy sya kahit pa humantong sa kanyang kamatayan. Hilingin natin ang biyaya ng pagdadalisay ng puso upang ang hanapin at hangarin natin ay ang Diyos ng biyaya higit sa biyaya ng Diyos.
© Copyright Pang Araw-araw 2025