Ebanghelyo: Juan 10:27-30
Dinidinig ng aking mga tupa ang aking tinig at kilala ko sila, at sumusunod sila sa akin. Buhay magpakailanman ang ibinibigay ko sa kanila at hinding-hindi sila kailanman mapapahamak ni walang aagaw sa kanila mula sa kamay ko. Mas dakila sa anuman ang ibinigay sa akin ng aking Ama, at walang makaaagaw mula sa kamay ng Ama. Iisa kami: ako at ang Ama.”
Pagninilay
“Tinatawag tayo upang maging mabuting pastol.” Ang ikaapat na linggo ng Pasko ng Pagkabuhay ay tinatawag na Linggo ng Mabuting Pastol at Linggo ng Pandaigdigang Panalangin para sa bokasyon. Sa Unang Pagbasa matutunghayan natin ang pagiging mabuting pastol nina Pablo at Bernabe sa pamamagitan ng kanilang pangangaral ng mabuting balita hindi lang sa mga hudyo, kundi pati na rin sa mga kumbertibo sa Judaismo at pagano. Dahil sa kanilang pag-upo sa mga sinagoga, pakikipag-usap sa mga tao, marami sa mga ito ang naihatid nila sa kawan ng Panginoon upang magpahinga at manginain sa sariwang pastulan ng Salita ng Diyos at uminom sa batis ng buhay na walang hanggan. Sa Ikalawang Pagbasa isinalarawan ni Juan sa Aklat ng Pagbubunyag ang kanyang pangitain tungkol sa malawak na kawan ng Diyos mula sa bawat lipi, wika, bayan at bansa. Sila ang mga tupa na sinasabi sa Ebanghelyo na nakikinig sa tinig ng Diyos at sumusunod sa kanya. Napagtagumpayan nila ang lahat ng pagsubok at hindi hinayaan ng Mabuting Pastol na mawalay ang sinumang ibinigay sa kanya ng Ama. Bilang mga Kristiyano tinatawag tayo upang maging mabuting pastol sa ating pamilya, sambayanan, opisina, kompanya, barangay, bayan, at bansa ayon sa ating katungkulan. Sapagkat kalakip ng kaloob sa ating kapangyarihan ay ang pananagutan sa kawang ipinagkatiwala sa atin ng Diyos. Ang tanong, saan natin sila dinadala? Sa pastulan ba ng Panginoon o sa ating sarili? Hilingin natin ang biyaya na maging mabuting pastol sa isa’t isa at maging isang kawan sa pamamatnubay ng Punong Pastol, ang Panginoon.
© Copyright Pang Araw-araw 2025